Gov’t media prayoridad sa panayam kay PBBM

Gov’t media prayoridad sa panayam kay PBBM

August 11, 2022 @ 9:01 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Prayoridad ng Office of the Press Secretary (OPS) ang pagbibigay ng panayam sa government media sa ilalim ng administrasyong Marcos.

SInabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ito ang “standout policy” ng ahensiya simula nang umupo sa kanyang tanggapan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Under the single messaging policy for President and, we also give a premium to government media first,” ani Cruz-Angeles.

Ia-accomodate rin naman ani Cruz-Angeles ang private media subalit bibigyan ng “a premium first” ang government media.

“Although napagbigyan naman natin iyong iba , there are some stations that we allowed interviews, we usually give a premium first to our government station” dagdag na pahayag nito.

Matatandaang binuwag ni Pangulong Marcos ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at pinalitan ito ng Office of the Press Secretary.

Pamumunuan ng Press Secretary ang OPS at magkakaroon ng Assistant Secretary at Undersecretaries at support staff.

Ang PCOO ay nabuo sa pamamagitan ng Executive Order no. 4, series of 2010.

Batay sa Executive Order no. 2 na pirmado ng Pangulo, binuwag din nito ang Office of the Presidential Spokesman at lahat ng permanenteng personnel, equipment at functions at ililipat sa OPS.

Nakapaloob din sa EO no. 2 ni Pangulong Marcos ang paglilipat ng Radio Television Malacanang (RTVM) sa direktang superbisyon at kontrol ng Presidential Management Staff (PMS), kasama na dito ang mga personnel at mga kagamitan.

“It is the policy of the Administration to provide true, accurate and relevant information through effective utilization of communications operations of the Office of the President,” anang EO no. 2.

Ilan sa pangunahing tungkulin ng Office of the Press Secretary ang mag-anunsiyo ng mga polisiya, aksiyon, programa, official activities ng Presidente at bumalangkas at magpatupad ng mga panuntunan at mekanismo para sa pagpapalaganap ng mga impormasyon tungkol sa mga programa, aktibidad at mga nagawa ng Presidente at ng Ehekutibo.

Pangangasiwaan din ng OPS ang APO production unit, Bureau of Broadcast Services, Intercontinental Broadcasting Corporation, National Printing Office, News and Information Bureau at People’s Television Network, Inc.

Ilalagay naman sa superbisyon ng Office of the President ang Philippine Information Agency (PIA).

Ang EO no. 2 ay pirmado ni Pangulong Marcos Jr. noong Hunyo 30.

Samantala, naghahanda na ang OPS na magpalabas ng accomplishment report nito para sa unang 100 days ng administrasyong Marcos.

“Primarily that we coordinate with the other departments and agencies for single messaging,” ayon kay Cruz-Angeles. Kris Jose