Gov’t sa mga motorista: Magpalagay na agad ng RFID stickers

Gov’t sa mga motorista: Magpalagay na agad ng RFID stickers

October 30, 2020 @ 5:00 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Umapela ang pamahalaan sa mga motorista na huwag nang hintayin pa ang “last minute” para makakuha  ng   radio frequency identification (RFID) stickers at maipakabit sa kanilang sasakyan.

Bahagi ito ng paghahanda para sa cashless scheme sa major toll roads simula sa Disyembre.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na iniurong ng  Department of Transportation (DOTr) ang pagsisimula ng  cashless toll collection mula sa dating  Nobyembre 2 at  ginawang Disyembre 1 para payagan ang mga motorista na makapag-comply sa mga  requirement.

Sa halip na manual cash transactions, ang RFID system ay naglalayong payagan ang  electronic payment sa mga  tolls sa oras na dumaan na ang sasakyan sa pamamagitan ng  toll plaza.

Maaaring i-load o i-top ng motorista ang kanyang RFID account sa toll booths at iba pang online payment facilities.

“Paalala ko sa ating mga kababayan, iwasan natin iyong nakasanayan na kung kailan ilang araw na lang bago ang deadline ay saka tayo dudumog sa mga installation sites ,” lahad ni Sec. Roque.

“Habang maaga pa po ay magpakabit na tayo ng RFID upang maiwasan ang last minute na transaction.”

Tiniyak ni Sec. Roque na hindi na maaantala  ng pamahalaan  ang implementasyon ng cashless mode of payment sa expressways.

“Huling hirit na po ang extension na ito. Simula December 1 ay mahigpit na pong ipatutupad ang full cashless transactions sa ating mga toll roads,” giit pa nito.

Sa ulat, pinalawig ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ng hanggang  Disyembre ang full implementation ng cashless toll collections sa mga toll roads sa bansa.

Tugon ito sa panawagan ng mga motorista, na hanggang ngayon ay wala pa ring RFID stickers sa kanilang sasakyan.

Ayon sa DOTr,  ang naturang ekstensyon ay nangangahulugan na ang Department Order 2020-012 na nagmamandato ng cashless mode of payment o 100% paggamit ng electronic payment systems sa mga expresways, ay magsisimulang ipatupad sa Disyembre 1, mula sa dating schedule na Nobyembre 2.

“So huwag po kayong mag-panic. Binigyan po tayo nang mas mahabang panahon para magpakabit ng RFID. Ito ay upang bigyan ng konsiderasyon ang mga kababayan natin na hindi pa rin nakakapag-install ng RFID sa kanilang mga sasakyan.”

Paglilinaw naman ng DOTr, non-extendible na ang naturang petsa.

“With the extension, this means that the full implementation of the department order mandating only the cashless mode of payment, or the 100% use of electronic payment systems, in expressways will start on December 1. The deadline will no longer be extended beyond this date,” saad ng DOTr.

Ayon naman kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Abraham Sales, pinayagan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang ekstensiyon upang mabigyan ng mas mahabang pagkakataon ang mga motorista, para makapagpakabit ng RFID, at tumalima sa department order.

Una nang ipinag-utos ng DOTr ang implementasyon ng cashless transaction sa toll roads upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19, gayundin ang traffic congestion sa mga toll plazas.

Ang mga motorista na mabibigong sumunod sa mandato ay huhulihin at iisyuhan ng citation ticket.

Samantala, pinaalalahanan naman ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor ang mga motorista na samantalahin ang extended deadline sa pagpapalagay ng RFIDs sa kanilang mga sasakyan, sa lalong madaling panahon.

“Iwasan natin ‘yung kung kailan isang linggo na lang, tsaka tayo magmamadaling magpunta sa installation sites para magpakabit ng RFID. Now, we are extending the deadline to give further consideration. Let us use the extension wisely,” ani Pastor. Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...