Gov’t vehicles ginagamit sa kampanya – LENTE

Gov’t vehicles ginagamit sa kampanya – LENTE

April 27, 2022 @ 8:46 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuna ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang maling paggamit ng government resources para sa kampanya ng ilang kandidato para sa nalalapit na eleksyon.

Tinawag ito ng election watchdog na “acknowledged but overlooked” problem sa panahon ng kampanya na nag-udyok sa grupo na maglunsad ng pag-aaral sa pagsubaybay sa buong bansa, sa pakikipagtulungan ng Right to Know Right Now Coalition.

Ang mga inisyal na natuklasan mula sa pag-aaral nitong Marso 25 hanggang Abril 15 na isinagawa sa 17 lugar na vote-rich at income-generating rates ay nagpakita na 21.5% o 28 sa 130 na voter respondents ang nag-ulat na nakakita ng mga sasakyan ng pamahalaan, mga tagapaglingkod sibil, at iba pang state resources na ginagamit sa campaign events.

Ang bilang ay bahagyang mas mataas para sa mga pinuno ng komunidad na may 28% o 45 sa 161 sa kanila na nagsasabing may naobserbahan silang mga kandidato na gumagamit ng goverent resources sa panliligaw sa mga botante.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang paggamit ng mga pampublikong pondo o pasilidad at kagamitan na pag-aari ng gobyerno ay isang election offense na may parusang hanggang anim na taong pagkakakulong, kasama ang disqualification mula sa pampublikong opisina.

Tumanggi rin ang mga respondent na pangalanan ang mga kandidatong sangkot.

“Ang mga words ng mga respondents natin ay natatakot silang mabalikan ng kandidato kung i-a-identify nila na sila ay gumagamit ng state vehicles during campaign period,” sabi ni Atty. Marisse Aldeza, ang project head na nagprisinta ng initial findings sa press conference.

“One respondent actually reported na before, nag-file sila ng complaint for vote buying… ‘yung iba tinatanggal sa beneficiaries ng 4Ps,” dagdag ni Aldeza, na tinutukoy ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagbibigay ng social assistance.

Sinabi ng LENTE na ang mga mamamayan na nakasaksi sa paggamit ng mga mapagkukunan ng gobyerno para sa pangangampanya ay maaaring mag-ulat ng insidente sa mga hotline nito 09171066265 at 09202660944, o e-mail [email protected] Maaari din silang magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng mga social media pages ng LENTE.

Hinikayat din ang publiko na magpadala ng larawan at videos bilang patunay na anila ay makakatulong sa pagbuo ng kaso.

“If a private citizen wishes to file a complaint, the group’s lawyers are ready to assist, as long as the complainant does not have ties with other political candidates”,pahayag ni Caritos. Jocelyn Tabangcura-Domenden