Gov’t workers nagsimula nang makatanggap ng cash gift, bonus

Gov’t workers nagsimula nang makatanggap ng cash gift, bonus

November 19, 2022 @ 10:36 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagsimula nang makatanggap ng kani-kanilang mga year-end bonus at cash gift ang ilang mga empleyado ng gobyerno.

Katulad na lamang sa Manila City Hall, umabot sa 11,000 mga regular na empleyado nito ang nakatanggap na ng bonus na katumbas ng isang buwang sahod bukod pa sa cash gift.

Sa kabila nito, hindi naman tiyak kung makakakuha rin ang nasa 6,000 nasa ilalim ng job contracts.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, hinihintay pa nila ang administrative order ng pamahalaan kung maibibigay ang bonus sa mga casual at contractual employees ngayong taon.

“Usually ina-annouce po nila yan before December para mapaghandaan nga po namin and normally ang binibigay namin diyan eh mga P5,000,” ani Lacuna.

Dagdag niya, noong nakaraang taon ay nakapamahagi sila ng bonus sa mga job order employees.

Samantala, sa San Juan City ay nakatanggap ng isang buwang sahod bilang bonus ang permanent, casual at contractual employees na nakapagtrabaho ng mahigit apat na buwan bago mag-Oktubre 21, 2022.

Nagpaalala naman si CSC Commissioner Aileen Lizada sa mga empleyado na maaaring maghain ng reklamo kung pumalya ang kanilang mga local government units na magbigay ng bonus sa itinakdang panahon.

“Ang timeline na ibinigay ng DBM circular is not earlier than November 15, so dapat onwards dapat binibigay na ‘yan. Pagdating ng Disyembre at wala pa kayong natatanggap, maybe you can ask yung head of agency ng inyong finance kung ano’ng nangyayari kasi dinownload na ‘yan ng DBM,” ani Lizada. RNT/JGC