Gr. 10 stude natagpuang patay sa banyo

Gr. 10 stude natagpuang patay sa banyo

January 20, 2023 @ 9:15 AM 2 weeks ago


GENERAL SANTOS CITY- PALAISIPAN ngayon sa mga awtoridad ang pagkamatay ng isang grade 10-student na dalagita nang matagpuan ang bangkay nito na may tama ng bala ng baril sa katawan, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Jazdel Gabayeron, 16-anyos, Grade 10 student ng SPED Integrated School sa Purok Malipayon, Barangay San Isidro.

Batay sa report ng GenSan-PNP, dakong 4:00 PM ng matagpuan ang bangkay ng biktima sa comfort room ng bunkhouse ilang metro ang layo sa eskuwelahan ng biktima sa may Conel Road, Camella Cerritos subdivision Purok Malipayon, Barangay San Isidro.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakasuot pa ang uniporme ang biktima ng matagpuan ang bangkay nito at nakita sa tabi nito ang baril, kanyang bag at cellphone.

Bago ang insidente, naiulat na nawawala ang biktima noong Enero 12, 2023 hanggang sa napansin na lamang ito ng mga batang naglalaro dahil sa nakakasulasok na amoy.

Sa pagsisiyasat ng SOCO GenSan PNP nasa state of decomposition na ang bangkay ng biktima at isasailalim ito sa otopsiya.

Nabatid, na ang baril ang pag-aari ng ama ng biktima na retiradong sundalo at ngayon ay isang security practitioner at security consultant.

Ayon naman sa pahayag ng mga kaklase ng biktima na posibleng depresyon ang motibo sa pagpapakamatay ng biktima dahil umano sa problema nito sa kanyang ama.

May post din sa social media na nagtatanong ang biktima sa kanyang kaklase kung ano ang lasa ng zonrox at sana at masagasaan na lamang ito ng trak para mamatay na siya.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente./Mary Anne Sapico