Grab, binalasa sa LTFRB hearing sa surge fee

Grab, binalasa sa LTFRB hearing sa surge fee

January 10, 2023 @ 4:34 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinagalitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory( LTFRB) ang my Taxi Philippines/ Grab dahil sa pagsipot sa public hearing na ipinatawag ng ahensiya kahapon na walang dalang dokumento na nagpapatunay sa alegasyon na sila ay nagka-COVID kaya hindi nakarating sa nagdaang public hearing ng LTFRB noong December 13,2022 tungkol sa inerereklamong surge fee na sinisingil sa kanilang mga commuters .

Hinanap din ng LTFRB board sa pangunguna ni Chairman Teofilo Guadiz sa mga opisyal ng Grab ang dokumento na nagpapaliwanag kung magkano at paano ang ginagawang pagsingil ng surge fee sa kanilang mga commuters.

Sa hearing, sinabi ni Atty. Ariel Inton, founding President ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na dapat ay nagbitbit na ang Grab ng mga kailangang dokumento hinggil sa alegasyong naniningil ito ng surge fee sa mga pasahero na hindi aprubado ng LTFRB.

“Noong December 13 hearing hindi sila nakarating sa hearing dahil sabi nila nagka Covid sila, dumaan ang maraming araw, bakit hindi sila handa sa hearing ? Kung wala silang dokumento, now na andito sila, sana ipaliwanag na lang nila ang tungkol sa alegasyong overcharging ginawa nila sa pagkolekta ng surge fee sa mga commuters” sabi ni Inton.

Sinabi ni Chairman Guadiz na dapat maipaliwanag nila ng maayos ang isyu sa surge fee dahil marami ang nagrereklamo hinggil dito.

Binigyan ni Guadiz ang pamunuan ng Grab na isumite sa LTFRB ang sagot sa alegasyon at supporting documents kung paanu nito nasisingil ang mga commuters ng surge fee.

“Ipaliwanag nyo ng maayos ang surge fee na sinasabing nagkaroon ng overpricing” sabi ni Guadiz sa Grab.

Ayon kay Inton, kinumpirma ng Grab na sila ay nasingil ng P85 surge fee pero dapat anya ay P45 pesos lamang ito.

Sinabi rin ni Inton na dapat ay magtakda ang LTFRB ng parameters kung magkano at paanu at hanggang saan ang paniningil ng surge fee dahil ang commuters ang apektado dito.

“Sana lang para sa kapakanan ng commuters ang gawing desisyon dito ng LTFRB, sana magpalabas ng parameters ang LTFRB para malinawan kung saan at kelan maningil ng surge fee batay sa fare matrix ng LTFRB” ani Inton.

Nagtakda naman ang LTFRB board na muling dinggin ang isyu sa Huwebes, Enero 12 upang makapaglabas na sila ng desisyon para rito.

Ayon sa Grab, isusumite nila ang lahat ng kailangang dokumento ng LTFRB ukol dito.

Sinabi ni Inton na dapat desisyunan na agad ng Ltfrb ang usaping kundi ay mas madami pang commuters ang makakatikim ng labis na paniningil ng Grab ng surge fee sa mga mananakay. RNT