Grab PH pinagpapaliwanag ng LTFRB sa surge fee issue

Grab PH pinagpapaliwanag ng LTFRB sa surge fee issue

January 9, 2023 @ 9:11 AM 4 weeks ago


Nakatakdang muling sumalang ngayong araw sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang opisyal ng ride-hailing app na Grab Philippines kaugnay ng umano’y kanilang taas-singil sa pasahe.

Itinakda ang pagdinig ng alas-10 ng umaga sa punong tanggapan ng LTFRB sa East Avenue, Quezon City.

Inaasahan ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na makadadalo ang mga opisyal ng Grab upang magpaliwanag sa sinasabing surge fee.

“Dapat silang dumalo sa hearing bukas para ipaliwanag nila sa publiko ang alegasyon ng paniningil nila ng labis,” pahayag ni Chairman Guadiz.

Una ng ipinatawag ang Grab Philippines nuong nakaraang Disyembre subalit hindi nakasipot ang kanilang kinatawan.

Sa reklamo ng ilang mga pasahero, pumapalo umano sa P85.00 ang awtomatikong singil ng Grab Philippines mula sa P45.00 na kahit hindi rush hour at short distance lamang ang biyahe at sinasabing ito ay wala pang pahintulot ng LTFRB. RNT