Grab Philippines pinababantayan sa overcharging 

Grab Philippines pinababantayan sa overcharging 

November 24, 2022 @ 9:43 AM 6 days ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Marikina City Rep. Stella Quimbo ang Philippine Competition Commission (PCC) na mahigpit na bantayan ang Grab Philippines matapos nitong makuha ang Move it, isang MC taxi service, upang masiguro na walang mangyayaring pagtaas sa sinisingil na pasahe.

Ang pahayag ay ginawa ni Quimbo sa isinagawang naging public hearing ng House Committee on Metro Manila Development ukol sa pagkuha na ng Grab sa Move it, ani, Quimbo, nang makuha ng Grab ang Uber noong 2018 ay nagresulta ito sa pagtaas ng pasahe kaya hindi ito dapat na maulit sa Move it.

“Shortly after the acquisition of Uber by Grab, nagkaroon ng  increase in prices in that period after that acquisition,” paliwanag ni Quimbo,

Tugon naman ni Anton Arcilla ng PCC Mergers and Acquisitions Office na kanila itong babantayan.

“Tama po, yun po yung isa sa mga dangers na nais tigilan ng PCC,” giit nito.

Umaasa si Arcilla na hindi magkaroon ng pagtaas ng pasahe dahil sa MC taxi sector ay mayroon pang ibang player, ang Angkas at Joyride samatala sa kaso noon ng Uber at Grab ay sila lamang ang nasa transport network vehicle service (TNVS).

Paalala ni Quimbo sa PCC na dapat tiyakin ng ahensya na mayroong healthy competition sa pagitan ng mga MC players ay hindi lamang makuha ng Grab-MC tie up ang market share.

“Kayo po ang kakampi ng consumers, kayo po ang tagabantay ng regulated entity, ang sinasabi ko po, bantayan natin ang potential dominance because we know how platform markets work. May danger of potential dominance at because of previous behavior, may possibility na baka magtaas ng presyo,” pagtatapos pa ni Quimbo. Gail Mendoza