GRABE PALA ANG GRAB

GRABE PALA ANG GRAB

July 18, 2018 @ 7:42 PM 5 years ago


Sabi nila, maganda ngayong panahon sapagkat nagkaroon na ng Grab.

Panapat dapat ito sa taksi na may napakara­ming reklamong ipinupu­kol ang mga pasahero sa kanila.

Isa sa mga reklamo sa taksi ay mayroong mga driver na mataas kung mangikil – pati trapik ay pinababayaran.

Kaya, giit nila’y solusyon na ang Grab.

Ang totoo, kabaliktaran ito, sapagkat napa­kagrabe kung mangikil ang Grab.

Halos doble ang pamasahe, gayong wala naman kagilas-gilas o kakaiba sa serbisyo nito sa taksi.

Ang diskarte ng Grab ay walang pinagkaiba sa ginagawa ng holdaper.

Sinasamantala nila ang kagustuhan ng mga mananakay na maka­sakay kaagad, sapagkat barumbado o balasubas ang taxi driver.

Kung pangunahin sa Grab ang serbisyo sa mananakay, dapat hindi mataas maningil ang mga driver nito.

Hindi nila dapat sinasamantala ang mga pa­sahero, sapagkat hindi serbisyo ang tawag sa pananamantala sa kapwa kundi pangwawalanghiya.

Ang talagang naka­bubuwisit dito, pangkaraniwang tao ang winawalang­hiya, samantalang ang gusto lamang ng mga mananakay ay makauwi sa kanilang bahay o ma­karating sa kanilang paroroonan nang maaga.

Para sa akin, walang masama kung gustong kumita ng mga taga-Grab, sapagkat ito naman ang dahilan kung bakit sila naghahanap-buhay.

Pero hindi dapat sob­rang laki ng kita na kulang na lamang angkinin ang lahat ng pera ng kanilang pasahero.

Iyong sapat lamang,  hindi lugi.

Kaso, iba ang kahulugan nila ng sapat at hindi lugi.

Ang sapat at hindi lugi sa kanila ay iyong napakaraming pera.

Kaya, hindi ako ma­gugulat kung maraming nagsasabing grabe ang Grab.

 

FEEDING PROGAM NI JOY BELMONTE

Matagal nang me­rong feeding program si Quezon City Vice-Ma­yor Joy Belmonte sa­pag­kat alam na alam ni­yang mahalaga ito sa mga bata.

Ipinamalas ito ni Joy sa kanyang proyektong “Joy of Urban Farming.”

Nagsimula ang pro­yekto noong 2010 kung saan umabot na ngayon ito sa 166 sa buong Que­zon City.

“Matagal na naming ginagawa sa Quezon City na ‘yung aming produce na nanggaling po sa aming urban farm sa paaralan ay isinasama po sa feeding program,” banggit ni Belmonte.

“Our objective here is hunger mitigation,… but we realized our program has also become a source of livelihood for the households, especially low-income families,” patuloy ng susu­nod na alkalde ng Quezon City. – BADILLA NGAYON NI NELSON BADILLA