GRABENG COVID-19 PAG-INGATAN, PAGTULONG-TULUNGANG LABANAN

GRABENG COVID-19 PAG-INGATAN, PAGTULONG-TULUNGANG LABANAN

January 11, 2022 @ 9:38 AM 7 months ago


SUMASABAY ang mahal kong Pinas sa lumulundag na paglobo ng mga nagkakasakit sa coronavirus disease-19 sa buong mundo.

Itong Omicron variant ang itinuturong dahilan nito.

Dahil sa Omicron variant, mahigit 307 milyon na ang nagkakasakit sa COVID-19 simula noong Disyembre 2019.

Ang UK, humabol at pangalawa na sa Russia sa pagkakaroon ng mahigit 150,000 patay simula noong 2020.

Ang Australia, mabilis nitong nilagpasan sa nakalipas na 24 oras ang mga bansang Ireland, Kazakhztan at Morocco sa pagkakaroon ng 1,049,306 kaso.

Ang nakakaba pa, mga Bro, 63 bansa pa lang ang may Omicron at ganito na ang nagaganap.

Paano na lang kung maabot nito ang mahigit 220 bansa at teritoryo na may halo-halong COVID-19?

Gayunman, hindi nakapagtataka ang sobrang bilis ng pagdami ng mga nagkakasakit sapagkat mismo nga sa Pilipinas, nagaganap din ito pagdami.

DOBLE-TRIPLENG BILANG NG PATAY

Nayon lang din nagsisilabasan ang malaking posibilidad na doble o triple ang bilang ng mga patay simula noong 2019.

Habang tinitipa natin ito, may patay nang 5,506,029 at kung doble o triple ang tunay na namatay, nasa mahigit 10M o 15M na.

Ginawa ang pagtaya rito sa mahigit 15 buwang mga pag-aaral sa COVID-19 ng World Health Organization, iba’t ibang gobyerno at mga grupo ng mga researcher, kasama na ang mga media.

Ayon sa WHO, maraming bansa ang walang maayos na rekord ng mga patay sa pandemya hanggang sa pagdating ng Omicron variant.

Isa sa mga kinokonsidera nila ang mga sobrang bilang ng patay sa nakalipas na dalawang taon kumpara sa taunang mga patay bago dumating ang 2020.

Sa India lamang, may taunang patay na 10 milyong mula sa iba’t ibang sakit pero sumobra ng nasa 30 porsyento ang patay noong 2020 at maging nitong 2021.

Sa ngayon, hanggang 483,790 lang ang deklaradong patay sa India ngunit nakabatay lang sa mga death certificate mula sa gobyerno at ospital at hindi kasali ang mga namatay sa mga malalayo sa mga kabisera na lugar.

Basta inililibing, sinusunog o itinatapon na lang sa ilog ang mga patay, gaya ng nangyari noong nanalasa ang Delta variant noong Abril, Mayo at Hunyo 2021.

MAHALAGANG MALAMAN

Kung bakit natin iniuulat, mga Bro, ang kabuuang nagaganap sa COVID-19 ay mahalagang-mahalaga.

Una, nais nating ituwid ang paninira ng mga kritiko ng pamahalaan at namumulitka na gawa ng gobyerno ang lahat ng paglobo ng COVID-19 at ang hindi nila pagkilala sa labis na pagsisikap nitong masalba ang lahat sa pagkakasakit at kamatayan.

Ikalawa, sa pag-alam natin sa nagaganap sa buong mundo, makapupulot tayo ng mga aral na pupwede nating pairalin sa bansa laban sa pandemya, gaya ng sapilitang pagbabakuna.

Ikatlo, mabibigyan din natin ng tamang respeto at paggalang sa mga nasawi at nagkakasakit, kasama na ang mga health worker at iba pang mga frontliner na nakasalang lagi sa panganib alang-alang sa kabutihan ng lahat.

Ikaapat, matutunan nating mag-ingat, magkaisa at magtulong-tulong nang todo laban sa pandemya.