Grade 5 student na ‘binully’ ng guro, ayaw nang pumasok sa eskwela

Grade 5 student na ‘binully’ ng guro, ayaw nang pumasok sa eskwela

August 23, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Laganap ngayon sa social media ang post ng isang netizen kung saan ibinahagi ang nangyaring pambubully umano ng isang guro sa isang estudyanteng Grade 5 at 10-anyos niyang pamangkin sa unang araw ng klase sa Camarines Norte.

Base kay Jeannie Vargas, umuwing umiiyak ang bata. Hindi umano nito kayang ikwento ang nangyari kaya’t isinulat na lamang sa papel ang sinabi ng class adviser.

Batay sa bata, tinawag umano siya ng guro na bruha, bobo at hayop.

“Yung ‘bobo’ daw ng sinabi sa kanya, pabulong. Masyadong personal,” paglalahad ni Vargas.

“Kung hindi po masaya sa pagiging guro sa mga bata, hanap na lang po ng ibang career. ‘Wag niyong idamay mga estudyante na sumusubok pa lang lumaban sa buhay,” dagdag niya.

Labis naman umano ang galit ngayon ng kaanak ng bata sa guro. Sa halip umanong maging katuwang sa pagtuturo ng tamang asal, ito pa ang maging sanhi para bumaba ang tiwala nito sa sarili.

Pinayuhan naman niya ang mga magulang na palaging kumustahin ang anak pagkagaling sa paaralan.

“Minsan, baka tahimik lang pero sobra na palang pambubully ang nakukuha sa school. At lalong wag po tayong matakot to stand up for our kids. Pag nakikita nila na kaya natin silang ipaglaban sa mga taong mali, matututo rin silang ipaglaban mga sarili nila balang araw,” aniya pa.

Dahil sa pangyayari ay ayaw na umanong bumalik sa eskwela ng bata.

Sinabi ng Department of Education-Bicol na beneberipika na ng division office nila sa Camarines Norte ang post, at tiniyak na may mananagot pagkatapos ng imbestigasyon.

“Tinitignan na po ito ng SDO CamNorte anong school/private o public ba before they will take appropriate actions,” pahayag ng DepEd-Bicol. RNT/SA