Grade 7 patay sa gulpi ng kapwa estudyante

Grade 7 patay sa gulpi ng kapwa estudyante

July 6, 2018 @ 1:43 PM 4 years ago


 

Oriental Mindoro – Nasawi sa bugbog ang isang grade 7 student sa bayan ng Victoria sa Oriental Mindoro nitong araw ng Huwebes.

Ang itinuturong suspek sa krimen ay ang 16-anyos na lalaking kapwa estudyante ng 15-taong gulang na biktima.

Batay sa report ng Mimaropa police, ganap na alas 4 ng hapon habang nanunood lamang umano ang biktima ng palarong badminton at volleyball sa Aurelio Arago National High School sa Barangay Leido nang lapitan siya ng grade 10 student na suspek at walang sabi sabing pinagsusuntok ito sa ulo at ibat ibang parte ng katawan.

Sa labis na pambubugbog ng suspek ay agad nawalan ng malay ang biktima at bumagsak sa konkretong sahig ng school compound.

Mabilis na isinugod ng ilang guro ang biktima subalit idineklara itong dead on arrival sa ospital.

Agad namang nadakip sa follow up operation ng pulisya ang suspek matapos ang pagtugis sa kanya at ngayon ay nakapiit sa Victoria Municipal police station.

Nakatakda namang iturn-over ang suspek sa Municipal Social Welfare and Development Office kasabay ng pagsasampa ng kaukulang kaso kaugnay ng krimen.

Hindi naman batid sa report kung ano ang naging dahilan ng suspek para patayin sa bugbog ang ka eskuwela. (Jeff Gallos)