Grade 8 student tanggal-baga sa ferris wheel

Grade 8 student tanggal-baga sa ferris wheel

November 4, 2022 @ 10:54 AM 4 weeks ago


PANGASINAN- Isa na lamang ang baga ng grade-8 student matapos tumilapon sa sinasakyan nitong ferris wheel sa peryahan iniulat nitong Huwebes, Nobyembre 3 sa Urdaneta City.

Nagpapagaling ngayon sa ospital ang biktimang si Mark Gian Fajardo, 13-anyos, at residente sa nasabing lungsod.

Ayon kay Police Major Ria Tacderan, PIO-Pangasinan PPO, naganap ang insidente sa isang amusement park ride o peryahan sa Barangay Nancayasan, Urdaneta City.

Kwento ng ina ng biktima, kasama ng kanyang anak ang pinsan at nagtungo sa peryahan para sumakay sa isa sa mga rides nito.

Habang nasa gitna ng pag-ikot ng ride bigla na lamang nakaramdam ng pagkahilo ang biktima kaya nagsisigaw na ito na siya ay bababa subalit hindi umano ito pinakinggan ng operator.

Hanggang sa bigla na lamang kumalas ang lock ng harness ng kinauupuan nito dahilan para tumilapon ang biktima at tumama ang likod sa bakal na barrier.

Sa lakas ng pagkakahampas nito halos nadurog ang isang baga ng biktima kaya isinailalim ito sa operasyon at tinanggal ng doktor.

Nagkaroon naman ng pag-uusap ang magulang ng biktima at pamunuan ng peryahan na sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot kay Fajardo.

Matatandaan na nito lamang linggo ay tatlong katao kabilang mag-ina ang nasugatan matapos mahulog sa sinasakyan din nilang rider sa isang peryahan sa Zambales. Mary Anne Sapico