Grade 9 stude patay sa panis na buko juice

Grade 9 stude patay sa panis na buko juice

November 7, 2022 @ 8:10 AM 4 weeks ago


ILOILO CITY –Patay ang isang grade 9 student habang ginagamot sa ospital ang 15 pang estudyante at ilang guro dahil umano sa ininom na panis na buko juice noong Biyernes sa bayan ng Ajuy.

Kinumpirma ni Ajuy mayor Jett Rojas, Linggo ng umaga, na binawian ng buhay ang hindi pinangalanang 17-anyos na biktima at estudyante sa Pili National High School.

Habang patuloy naman nilapatan naman ng lunas sa ospital ang 15 pang estudyante at guro na nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan at pagtatae.

Ayon sa alkalde, noong Biyernes ay mayroong okasyon sa nasabing paaralan at karamihan sa mga ito ay marami ang nainom na buko juice na pinaniniwalaang panis.

Nakauwi pa ng kani-kanilang bahay ang mga biktima subalit nakaramdam na ang mga ito pananakit ng tiyan.

Agad naman dinala ng kanyang mga magulang ang grade 9 student sa Sara District Hospital para ipa-check-up at sinabi ng doktor na dapat siyang i-confine subalit tumanggi ang biktima at nagpasya itong umuwi ng bahay.

Makalipas ang isang araw, lumala ang matinding nararamdaman ng biktima kaya itinakbo ito ng kanyang mga magulang sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.

Tiniyak naman ni Rojas na nakahanda ang ambulansya ng lokal na pamahalaan ng Ajuy sa iba pang mga estudyante na dadalhin sa ospital para sa karampatang lunas.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang nasabing insidente. Mary Anne Sapico