‘Grand Sunduan’ parade plantsado na para sa P’que cityhood anniversary

‘Grand Sunduan’ parade plantsado na para sa P’que cityhood anniversary

February 4, 2023 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Handang-handa na ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa pagsasagawa ang “Grand Sunduan” parade kaugnay sa selebrasyon ng ika-25 cityhood anniversary ng lungsod sa Pebrero 13.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na nakatakda nang ipatupad ng Traffic Parking and Management Office (TPMO) ang traffic rerouting para sa daraanan ng parada ng “Grand Sunduan” kung saan magsisimula ito sa Saint Andrew Cathedral sa Barangay La Huerta ng alas 2:00 ng hapon na dadaan sa M.H. del Pilar Street at iikot sa lugar bago bumalik sa nabanggit na simbahan.

Pinaalalahanan naman ng TPMO ang mga motorista patungong northbound na para hindi maipit sa trapik sa mga galing ng Las Piñas patungong Baclaran at Sucat ay gamitin na muna ang daan ng Quirino Ave. at kumanan sa Jolibee branch patungong Victor Medina Street.

Mula Victor Medina Street, ang mga motorista ay pinayuhan na baybayin ang diretsong kalsada patungong Ninoy Aquino Avenue.

Para sa mga motorista naman na patungong southbound mula Don Galo Quirino Avenue patungong Sucat, Las Piñas at Cavite, dumaan sa Sta. Monica Chapel at kumaliwa sa J.P. Rizal Street at kumanan naman sa Dahlia Street.

Mula sa Dahlia Street ay diretsuhin lamang ng mga motorista ang nabanggit na kalsada bago kumanan sa E. de Leon Street patungong Ninoy Aquino Avenue.

Kasabay nito ay pinayuhan din ni Olivarez ang mga motorista na pansamantalang iwasan na munang dumaan kung saan isasagawa ang parada ng “Grand Sunduan” upang hindi maipit sa trapik na idudulot ng naturang parada. James I. Catapusan