Grande, Chiquita Islands sa Subic hawak na ng Chinese firm

Grande, Chiquita Islands sa Subic hawak na ng Chinese firm

March 5, 2021 @ 3:14 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – HINILING ng isang advocacy group na silipin ng Senado ang balitang isang kompanyang dayuhan na ang namamahala sa Grande at Chiquita Islands sa Subic, Zambales.

Sa isang statement, sinabi ng Kilos Pinoy Para Sa Pagbabago (KPPP) na dapat imbestigahan ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) tungkol sa balita na ipinaupa ng mga ito ang dalawang isla ng Pilipinas sa iisang kompanyang Tsino.

Hiniling ng grupo kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, na imbestigahan ang “report na isang Chinese firm lang ang umuupa sa Grande at Chiquita Islands sa Subic. Pwede ba ito? Dapat alam ito ng sambayanang Filipino,” ayon sa Kilos Pinoy.

Dagdag ng grupo, “We have had enough on the intrusions in our exclusive economic zone. We cannot and should never allow intrusions right into the Philippine territory in the name of foreign investments and economic cooperation. “

Tinukoy ng Kilos Pinoy ang sinasabing $298M na proyekto ng GFTG Property Holdings at Sanya CEDF Sino-Philippine Investment Corp. kung saan ide-develop ang Grande at Chiquita islands na nasa pamamahala ng SBMA.

“Hindi for sale ang mga isla ng Pilipinas,” dagdag ng Kilos Pinoy.

Sa Cagayan, ang 10,000 ektaryang Fuga Island sa Aparri ay pinaplano umanong gawing isang “smart city” na magkakaroon ng $2 bilyon na investment.

Noong isang taon, sinabi ni SBMA Chair Wilma Eisma na hindi muna itinuloy ang panukala ng Sanya CEDF Sino-Philippine Investment Corp. na magtayo ng mga hotel at iba pang pasilidad sa Grande at Chiquita islands dahil sa mga problema sa mga gagawing proyekto sa isla.

Ayon kay Eisma, nagpaplano ang kompanya na magtayo ng 80 ultrahigh-end housing unit na nakalatag sa tubig sa kahabaan ng Grande coast hanggang sa Chiquita. RNT


  •  
  •  
  •