Green list countries inihirit na suriin sa gitna ng banta Omicron variant

Green list countries inihirit na suriin sa gitna ng banta Omicron variant

November 28, 2021 @ 12:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inirekomenda ni National Task Force Against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa nitong Linggo na isailalim sa pagsusuri ang green list countries na may naitalang kaso ng Omicron variant, na itinuturing na variant of concern ng World Health Organization.

Ito ang naging suhestiyon ni Herbosa matapos tanungin kung dapat pag-aralan ng gobyerno ang pagpayag sa mga dayuhan na hinahayaang manatili sa bansa kahit na walang visa simula Disyembre 1 hanggang 15.

“Dapat bantayan ang reports ng mga ibang bansa at i-reclassify sila. Kasi maraming nasa green list countries so kailangang gawin ibabalik sila sa red list or yellow list… Isa-isa na nagre-report ang mga bansa sa Europa na na may nade-detect sila na Omicron variant,” ani Herbosa sa panayam sa dzBB.

Sa kasalukuyan ay nakapag-ulat na ng kaso ng bagong variant sa South Africa, United Kingdom, Italy, Belgium, Botswana, Hong Kong, Italy, Germany at Israel.

Nakalagay sa green list ng Pilipinas ang 44 bansa na itinuturing na low-risk sa COVID-19 transmission. 

Subalit kamakailan ay tinanggal sa listahan ang South Africa, Namibia at Zimbabwe dahil sa mga naiulat na lokal na kaso ng Omicron variant. 

Sinabi rin ni Herbosa nitong Biyernes na dapat ilagay sa yellow o red list ang Hong Kong kasunod ng pagkakatuklas sa bagong variant sa teritoryo. RNT/SA