Greg Slaughter nagbalik sa US

Greg Slaughter nagbalik sa US

July 6, 2021 @ 9:16 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pasimpleng umalis ng bansa si NorthPort big man Greg Slaughter noong isang buwan upang pumunta sa US para sa kanyang vaccination, ayon sa sources.

Mas pinili umano ng 7-foot center na gawin ang kanyang bakuna sa America gaya ng ibang players. Wala pa umanong timetable sa kanyang pagbabalik sa bansa.

Ayon pa sa source, hindi pa sinasagot ni Slaughter ang text message ng NorthPort management kung kailan ito babalik sa bansa.

Bago pumunta sa US, nakapag-ensayo pa si Slaughter, 33, kasama ang Batang Pier sa kanilang 5-on-5 scrimmages sa Batangas City sa loob ng dalawang linggo.

Bukod kay Slaughter, ang iba pang PBA players na nagpa-vaccine sa US ay sina Chris Banchero, Marcio Lassiter, LA Tenorio at rookie Mikey Williams.

Sa ilalim ng umiiral na health protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF), ang mga darating na passengers ay isasailalim sa 10 days quarantine, pero ang fully vaccinated inbound passengers ay daraan lamang sa limang araw na quarantine.

Target ng PBA na simulan ang PBA 46th season sa kalagitnaan ng buwan.

Nakuha ng Batang Pier si Slaughter sa Ginebra kapalit ni Christian Standhardinger.