Ground breaking sa itatayong elevator sa Tondo High School, ginanap sa ika-42 Foundation Day

Ground breaking sa itatayong elevator sa Tondo High School, ginanap sa ika-42 Foundation Day

February 15, 2021 @ 7:40 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Kasabay ng ika-42 Foundation Day ng Tondo High School (THS) sa lungsod ng Maynila, isinagawa ang ground breaking ceremony para sa itatayong elevator project sa nasabing pampublikong paaralan.

Pinangunahan ni Manila Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, Manila City Engineering Office Chief Engr. Armando Andres at Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief P/Lt.Col. Rosalino Ibay Jr. ang nasabing seremonya para sa itatayong elevator sa apat na palapag na paaralan na proyekto ng THS Tahanan ng Alumni Association.

Matatandaan na naglunsad ng proyektong “Donation for a Cause Elevator Project” ang Tondo High School Tahanan Alumni kung saan nagsisilbing Presidente si P/Lt.Col. Jhun Ibay.

Sa oras na malagyan ng elevator ang nasabing paaralan ay malaking tulong ito sa mga PWD students, senior citizen at sa mga guro nito.

Ibebenta ng grupo ang donation card sa halagang P200 kada isa at kapalit naman ng pagbili nito ay ang tsansa ng mga bibili ng card na magwagi ng grand prizes at mga consolation prize.

Kahapon ay sinimulan ang raffle draw sa mga donation stub at masusundan ito sa Peb. 28; Marso 14 at 28; at Abril 11 kung saan ay magkakaroon ng pagkakataon na magwagi ng consolation prizes ang mga donation stub holder ng isang Mountain bike at 25 sack of rice na tig-25 kilos.

Nakatakda namang gawin ang Grand raffle draw sa Abril 24, 2021 at ang grand prize ay isang brand new NMAX Keyless.

Bukod sa NMax motorcycle, may nakalaan pang mga premyo sa mga bibili ng card na brand new electronic scooter, brand new electronic trolly, limang mountain bike, at 50 sack of rice.

Gagapin ang mga raffle draw sa Tondo High School Quadrangle at live na mapapanood ito ala-1 ng hapon sa social media sa FB page ng Tahanan ng Alumni.

Sa naturang mataas na paaralan din nag-aral si Mayor Isko Moreno Domagoso kung saan naging magka-klase pa sila ni Lt.Col. Jhun Ibay.   JAY Reyes


  •  
  •  
  •