Groundbreaking ng 20K housing units sa CamSur, pinangunahan ni PBBM

Groundbreaking ng 20K housing units sa CamSur, pinangunahan ni PBBM

March 16, 2023 @ 3:49 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang groundbreaking ceremonies para sa pagtatayo ng mahigit sa 20,000 housing units para sa mga residente ng Camarines Sur bilang bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ng gobyerno.

“Isa po ito sa mga proyekto ng aking administrasyon na nakaangkla sa ating layunin na mabigyan ng komportable, maayos, at disenteng buhay ang lahat ng ating kababayan,” ayon kay Pangulong Marcos sa  groundbreaking para sa pagtatayo ng housing units sa Panganiban Drive sa Naga City.

“Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay pangarap ng lahat ng Pilipino na nais magkaroon ng isang lugar kung saan sila makakapagsimula ng bagong kabanata ng kanilang buhay,” ayon sa Pangulo.

Ito ang unang housing project sa ilalim ng  4PH program na pinasok ng  Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kasama ang provincial government.

Layon ng 4PH Project ng Camarines Sur na magtayo ng limang residential towers na mayroong 11,880 housing units sa 6-ektaryang lupain sa Panganiban Drive, Naga City.

Magtatayo rin ng apat na commercial buildings sa palibot ng residential towers.

Layon naman ng administrasyon ayon sa Pangulo na magtayo ng isang milyong bahay  kada taon sa ilalim ng kanyang  six-year term  bilang halal na Pangulo ng bansa.

Ito’y upang bigyan ng disenteng tirahan ang mga tao at matugunan ang anim na milyong housing backlog sa bansa.

“Lahat ito nais natin paabutin ng anim na milyon na bagong pabahay dahil ‘pag pinag-aaralan natin ang housing sa Pilipinas, ‘yan ang numerong lumalabas na kulang na pabahay para sa ating mga kababayan,” ang wika ng Pangulo.

Maliban sa pagbibigay ng bahay sa ilalim ng nasabing proyekto, magkakaroon din ng  access  ang mga residente sa mga pangunahin at mahahalagang pasilidad gaya ng eskuwelahan, pamilihan, medical facilities at  maging sa  livelihood infrastructure.

Sa kabilang dako, nanawagan naman ang Punong Ehekutibo sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, construction companies, private financial institutions at iba pang katuwang na sundin ang  “rules and regulations” ng gobyerno sa pagsasakatuparan ng kanilang mga proyekto.

Iniulat naman ng mga housing officials  na hanggang nitong Marso 13, ngayong taon, nilagdaan ng DHSUD ang  83 memorandum of understanding (MOU) at apat na memorandum of agreement (MOA) kasama ang  local government units (LGUs) sa buong bansa.

At bilang resulta ng inisyatiba,  isinagawa ang  groundbreaking ceremonies  sa 17 LGUs sa buong bansa.

Sa ilalim ng MOU, magsasanib-pwersa ang  DHSUD at ang government financial institutions para sa funding strategies at alokasyon ng financial, technical at  operational resources.

Sa ngayon, naglaan ang  Pag-IBIG Fund  ng P250 billion para sa 4PH project.

Samantala, kasama naman ng Pangulo sina DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, Camarines Sur Gov. Vincenzo Renato Luigi Reyes Villafuerte, Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymond Villafuerte, Camarines Sur 5th District Rep. Miguel Luis Villafuerte at maging ang mga miyembro ng Gabinete at iba pang lokal na opisyal. Kris Jose