Growth rate ng COVID sa NCR sumampa sa 56% – OCTA

Growth rate ng COVID sa NCR sumampa sa 56% – OCTA

December 2, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sumampa na sa 56% ang growth rate ng COVID-19 sa loob ng isang linggo sa National Capital Region.

Ito ay ayon sa OCTA Research group kasabay ng pagtaas ng seven-day average ng nasabing sakit mula 264 kaso noong Nobyembre 24 sa 411 na kaso nitong Disyembre 1.

Sa ulat ni OCTA Research fellow Dr. Guido David nitong Biyernes, Nobyembre 2, maliban sa growth rate ay tumaas din ang iba pang indicators ng COVID-19 partikular na ang positivity rate na posibleng dahil sa Omicron subvariant BQ.1.

Ani David, ang seven-day positivity rate o dami ng mga indibidwal na nagpopositibo mula sa mga sumailalim sa testing ay nasa 11.9% na nitong Nobyembre 30 mula sa 9.4% noong Nobyembre 23.

Sa pamantayan ng World Health Organization, dapat ay nasa 5% o mas mababa pa ang positivity rate upang masabing kontrolado na ang hawaan sa COVID-19.

“This rate of increase in the positivity rate in the National Capital Region is around the same rate of increase during the omicron BA.5 wave (from June) and the XBB (from September),” sinabi ni David.

“This projects to a December BQ.1 wave similar to the BA.5 and XBB waves,” dagdag niya.

Tumaas din sa 1.32 ang reproduction number ng COVID-19 o mga nahahawaan ng isang infected patients mula sa dating 1.11 na reproduction number noong Nobyembre 21.

Sa kabila nito, nananatiling nasa “low” status ang hospital utilization kahit na bahagyang tumaas ito sa 28% nitong Nobyembre 30 kumpara sa 26% noong Nobyembre 23. RNT/JGC