Grupo nanawagan, taasan salary subsidy ng mga private school teachers

Grupo nanawagan, taasan salary subsidy ng mga private school teachers

September 15, 2022 @ 1:38 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng grupo ng mga school administrators ang pamahalaan na dagdagan rin ang salary subsidy ng mga guro sa pribadong paaralan.

Ito ay upang matulungan rin umano ang mga pribadong paaralan na makabangon sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa isang panayam, sinabi ni Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines na dapat ay taasan rin ng Department of Education ang salary subsidy sa mga guro sa ilalim ng Teachers’ Salary Subsidy.

“Puwedeng tingnan or i-adjust ‘yong Teachers’ Salary Subsidy na ngayon ay binibigay naman sa private school teachers na nagtuturo sa ESC schools,” ani Estrada.

“Napakaliit noon (TSS) at hindi talaga rin mapapantay sa public schools,” dagdag pa niya.

Ang TSS ay isang annual subsidy para sa mga kwalipikadong guro sa junior high school na bahagi ng DepEd Educational Service Contracting program na layong mapaluwag ang mga siksikang public high schools upang ang ilan sa mga estudyanteng karapat-dapat ay makapag-aral sa mga pribadong paaralan.

Payo rin ng grupo, isali ang mga guro sa senior high school upang maiwasan rin na lumipat ang ilang mga guro mula sa pribadong paaralan patungo sa pampublikong paaralan. RNT/JGC