Grupo ng Guro nagsagawa ng pagkilos para humingi ng tawad

Grupo ng Guro nagsagawa ng pagkilos para humingi ng tawad

August 30, 2020 @ 9:12 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines- “Patawad po Dr. Carmenia Abel, kami po ay humihingi ng napakalaking paumanhin sa aming mga nagawa sa iyo at sa iyong pamunuan.”

Ito ang paulit-ulit na binibigkas ng mga guro mula sa Paaralang Kaunlaran Elementary School nang magsagawa muli sila ng isang pagtitipon upang humingi ng kapatawaran sa kanilang dating Punungguro at ngayon ay kasalukuyang Principal sa Caloocan Central Elementary School.

Layon ng nasabing pagtitipon na humingi ng tawad sa kanilang mga nagawang kasalanan at paghamak kay Dr. Abel.

Inisa-isa nila na ang kanilang mga nagawa ay isang ay isang malaking pagkakamali at inamin na nagpadala sila sa kanilang mga emosyon at sa ilang mga grupo na humikayat sa kanila upang mag-alsa.

Sa pangunguna ni Gng. Jennet De Guzman, dating Faculty President ng Kaunlaran Elementary School, nagsagawa ng pagtitipon at paglalakad ang mga nasabing guro mula sa kanilang paaralan patungo sa kanilang sangay sa Caloocan.

“Wala ka pong kasalanan, ang lahat po ng naganap ay pawang mga bunsod lamang ng matinding emosyon na kung nagawan sana ng tamang pag-uusap ay di na lumaki pa. ang iyo pong patawad at pang-unawa ay aming hinihingi. Diyos na po ang bahala sa iyong kabutihan at sa pagpapatawad na iyong ibibigay. Muli patawad po at kami ay nagkamali.” sambit ng mga guro.

Ang nasabing pagtitipon ay may pahintulot ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan kung saan ay pinasamahan pa ang mga ito ng mga miyembro ng kapulisan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kaayusan sa kanilang ginawang pagkilos.

Kasabay nito ay humingi na din ng paumanhin ang pinuno ng ACT sa Caloocan na si Rosalio Ayque at miyembro nito na si Nicomedes Cortosa sa kanilang naging partisipasyon sa nasabing pagkilos ng mga guro at nangako ng ibayong pagsuporta at pagsasaayos ng mga panuntunan sa kalagayan ng mga guro upang maiwasan na ang naturang mga pangyayari.

Matatandaan na noong taon 2015 ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng may 23 guro at magulang ng mga estudyante ng Kaunlaran Elementary School sa Kaunlaran Village, Caloocan City sa kanilang dating punong guro na si Dr. Carmenia Abel na humantong pa sa demandahan. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...