Grupo ng magsasaka nakulangan sa SONA ni PBBM

Grupo ng magsasaka nakulangan sa SONA ni PBBM

July 27, 2022 @ 8:30 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakulangan ang grupo ng militanteng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga pangunahing patakaran sa agrikultura at repormang agraryo.

Ayon sa KMP, hindi nabanggit ng Pangulong Marcos Jr. ang pagsasabatas ng bagong programa sa reporma sa lupa na magtitiyak sa pagpapatuloy ng pagkuha ng lupa upang palawakin ang kasalukuyang saklaw ng mga lupaing pang-agrikultura para sa pamamahagi.

Gaya ng nakasaad sa kanyang SONA, tututukan lamang ng kanyang administrasyon ang pamamahagi ng Government-Owned Lands (GOL) sa ilalim ng EO 75 ni Duterte.

Ngunit kinuwestyon ng KMU ang pagkuha at pamamahagi ng mas malalaking pribadong lupaing pang-agrikultura tulad ng mga asyenda at pag-aari sa ilalim ng kontrol ng pribadong pamilya at mga korporasyon.

Dagdag pa ng KMP na bagamat binanggit ng Pangulo ang pagsususpindi sa pagbabayad sa amortization ng lupa at dapat nung pandemya pa ito ginawa at hindi sapat ang isang taong tagal nito.

Kaugnay nito hindi rin umano tinukoy ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang SONA ang matagal nang kahilingan ng mga magsasaka para sa libreng pamamahagi ng lupa at tunay na repormang agraryo bilang pagsasakatuparan ng katarungang panlipunan at tunay na pagpapalaya ng mga magsasaka mula sa pagkaalipin sa lupa. Kung ang bagong administrasyon ay mamamahagi lamang ng mga GOL, hindi na kailangan ang pagbabayad ng amortisasyon sa lupa. Santi Celario