Grupo ng mangingisda sa bagong DENR Sec: Manindigan vs Manila Bay reclamation

Grupo ng mangingisda sa bagong DENR Sec: Manindigan vs Manila Bay reclamation

August 7, 2022 @ 1:57 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umapela ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa bagong talagang secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Secretary Ma. Antonio Yulo Loyzaga upang manindigan laban sa isinasagawang reclamation projects sa Manila Bay.

Sa isinagawang kilos protesta ng PAMALAKAYA sa  punong tanggapan ng DENR sa Quezon City umapila si Fernando Hicap ng national chairman ng PAMALAKAYA kay Sec. Yulo Loyzaga na manindigan ito para  labanan ang isinagawang reclamation sa Manila Bay na sumisira umano sa likas na yaman sa Karagatan.

“Ang protestang ito ay isang mapagpakumbabang apela sa kalihim ng kapaligiran na si Yulo-Loyzaga na tumayo kasama ng mga mangingisda at mga residente sa baybayin sa ating paglaban sa mga proyekto sa reclamation sa Manila Bay. Para sa panimula, hinihimok namin ang kalihim na si Yulo-Loyzaga na maglabas ng pampublikong pahayag na tumututol sa reclamation, at walang mga environmental permit na ibibigay sa mga naturang proyekto,” ayon kay Hicap, lider ng PAMALAKAYA sa kanilang statement.

Sinabi pa ng PAMALAKAYA na dalawang reclamation project sa Manila Bay ang nakakuha na ng environmental certificates (ECC); ito ang 420-ektaryang reclamation project sa Bacoor City, Cavite, at ang 2,500-ektaryang Bulacan Aerotropolis. Parehong proyekto, idinagdag ng grupo ng mga mangingisda, ang responsable sa pagkasira ng hindi bababa sa 600 puno ng bakawan sa Brgy. Taliptip, Bulacan, at ang pagtatapon ng mga palaisdaan sa Brgy. Maliksi III, Bacoor City, Cavite.

Nabatid pa sa lider ng mga mangingisda na sisirain ng isinasagawang reclamation hindi lamang likas na yaman dagat kung pati na rin ang mga kalikasan mula sa karagatan ng Manila Bay dagdag pa ni Hicap

“Ang pagtanggi sa mga reclamation project ay dapat kabilang sa disaster risk reduction at climate change adaptation measures ng DENR. Matagal nang napatunayan ng mga siyentipiko at mga eksperto sa kapaligiran na walang agham sa mundo na nagsasabi sa atin na ang reclamation ay mabuti para sa marine environment. Bukod sa sakuna nito sa kapaligiran, ang reklamasyon ay nangangailangan ng malawakang paglilipat ng mga mangingisda at komunidad sa baybayin, na nagbabanta sa kanilang kabuhayan at lokal na suplay ng isda,” sabi ni Hicap.

Kaugnay nito nakapagtala ang PAMALAKAYA ng humigit-kumulang 50 reclamation projects sa buong Manila Bay, na sumasaklaw sa mahigit 30, 000 ektarya ng tubig pangingisda. Ang mga ito ay nagbabanta sa mga natitirang bakawan sa Manila Bay na nagsisilbing tirahan ng mga isda at natural na depensa ng mga komunidad sa baybayin.

Sinabi pa ng Pamalakaya  na bukod sa masisira ang mga natural habitat ng mga isda sa karagatan, sisirain din umano ng reclamation ang likas na yaman ng karagatan dahil sa reklamasyon. Santi Celario