Grupo ng mga guro, nag-rally sa Mendiola sa bonus, incentive

Grupo ng mga guro, nag-rally sa Mendiola sa bonus, incentive

December 9, 2022 @ 3:01 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Muling kinalampag ng mga grupo ng public teachers sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers ang pamahalaan matapos magsagawa ng kilos-protesta sa Mendiola nitong Biyernes, Disyembre 9.

Sa kanilang protesta na may temang Christmas Protest, hinihirit pa rin ng mga grupo na pondohon ang kanilang bonus at incentives.

“Upgrade Teachers Salaries Now!”, ” SRI ibigay na”, PBB 2021,Ibigay Now Na! , ito ay ilan lamang sa mga hinaing ng mga grupo na nakasulat sa bitbit nilang mga karatula at Christmas box na tila regalo.

Ang kanilang panawagan ay bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin na anila ay hindi na napapagkasya ang kanilang sweldo na kakarampot.

Nais ng grupo na ang kanilang Performance Base Bonus o PBB ay maibigay na rin tulad nang ipinangako ng gobyerno.

Sa pagbabalik ng face-to-face classes, daing ng mga guro na dumoble ang kanilang trabaho na tila hindi umano napaghandaan kaya nararapat lamang na sila ay makatanggap ng karagdagang sweldo o benepisyo.

Isa rin sa iprinotesta ng mga guro ang pagtutol nila sa Maharlika Investment Fund Bill kung saan suhestyon nila na dapat ilaan na lamang sa edukasyon at dagdag-sweldo ng mga public school teachers ang pondo sa mas maayos na kalidad ng edukasyon at pagtuturo nila. Jocelyn Tabangcura-Domenden