Grupo ng nars kay PBBM: DOH chief na maalam, may malasakit piliin

Grupo ng nars kay PBBM: DOH chief na maalam, may malasakit piliin

July 4, 2022 @ 10:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling ng grupo ng mga nars sa bansa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr: na piliin ang susunod na  hepe ng Kagawaran ng Kalusugan na hindi lamang dapat maging isang espesyalista o topnotch administrator kundi isang taong may ‘malasakit’ sa mamamayang Pilipino.

“Sa tingin po namin ang dapat na susunod na kalihim ng Department of Health ay isang tao na hindi alam po may technical and specialization skills sa public health atsaka po sa administration kung hindi rin pong mamumuno na mayroon po talagang tunay na malasakit sa taumbayan, ” ani Filipino Nurses United president Maristel Abenojar.

“Yung tipong mabilis na kikilos kung kinakailangan at kokonsultahin palagi ang kanyang mga constituents lalo na ang mga health workers natin na partners po ng DOH sa pagpapatupad ng mga programa,” aniya pa.

Sinabi ni Abenojar na umaasa silang matutugunan ng administrasyong Marcos ang kakulangan ng mga nars sa mga pampublikong pasilidad sa kalusugan sa buong bansa.

“Ang dahilan po kaya kulang ang ating mga nurse halimbawa, ay marami po sa kanila ang lumalabas ng bansa. Nito lamang pong December 31 2021, ang datos na ng Department of Health, ay mayroon ng 316,405 ang ating mga nurse na nasa ibang bansa,” aniya pa.

“At yan po ay halos sa 34% ng kabuuang registered nurses na Filipino,” dagdag pa ni Abenojar.

Iginigiit rin ng grupo nina Abenojar na sila ay humihirit para sa P50,000 na panimulang suweldo para sa mga nars sa buong bansa.

“Kung maalala po ninyo, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary noong 2018 June, na para mabuhay ang isang pamilya na may 5 miyembro, kailangan nila ng P42,000 a month. 2018 po yun.”

“Ang inflation rate po natin ngayong 2022, after 4 years ay sobra-sobra po ‘no, napakamahal na po ng mga bilihin kaya po ang aming hinihiling na P50,000 na panimulang sahod ay naaayon lang po,” aniya. RNT