Grupo ng private schools, tutol sa 100% F2F classes sa Nobyembre

Grupo ng private schools, tutol sa 100% F2F classes sa Nobyembre

July 13, 2022 @ 6:59 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinutulan ng grupo ng mga pribadong paaralan ang plano ng gobyerno at ng mismong Department of Education na ibalik ang full face-to-face classes pagsapit ng Nobyembre.

Ayon sa Federation of Associations of Private Schools and Administrators, hindi pa handa ang bansa para bumalik sa full face-to-face classes.

Anila, marami pang magulang ang hindi kumportableng pabalikin sa paaralan ang kanilang mga anak lalo’t nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.

Nakiusap naman ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (Cocopea) na pag-isipang muli ang pagpapatupad ng 100% in-person classes.

Tugon ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing III, bukas ang ahensya na talakayin ang mga apela ng mga pribadong eskwelahan.

Kasabay nito, iginiit ni Densing na hindi obligado ang mga guro at mag-aaral na magpabakuna bago bumalik ang pasukan bagama’t hinihikayat silang magpaturok ng COVID-19 vaccines.

Gayunman, kinakailangang sumalang sa regular testing ang mga guro at iba pang school personnel na papasok sa mga paaralan.

Sa ilalim ng batas, hindi mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19. RNT/ JCM