Grupo ni Suarez – lehitimong minority bloc sa Kamara

Grupo ni Suarez – lehitimong minority bloc sa Kamara

August 5, 2018 @ 1:42 PM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Opisyal na umanong kinilala ng liderato ni House  Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Quezon Rep. Danilo “Danny” Suarez bilang lehitimong House minority leader.

Sinabi ni Deputy Minority Leader at Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin na si Suarez ay dumalo sa pulong ng committee on rules na pinangunahan ni House Majority Floor Leader and Camarines Sur Rep. Rolando “Nonoy” Andaya Jr.

Ayon kay Garbin, ang pagdalong ito ni Suarez ay indikasyon na kinikilala na ang grupo ni Suarez bilang lehitimong minority bloc.

“That was the first time that we attended the rules panel meeting to set the plenary legislative agenda under Speaker Arroyo. Ano pa ba ang patunay na kailangan? Malinaw na kami ang kinikilalang minority bloc,” ani Garbin.

Dumalo rin sa nasabing pagpupulong sina House senior Deputy Minority Leader at Buhay partylist Rep.  Lito Atienza, at Deputy Minority Leader and Coop-Natcco partylist Rep. Anthony Bravo.

“Kung sila ang minority leader, sila sana dapat ang naimbitahan na dumalo sa rules committee meeting,” dagdag pa ni Garbin.

Bukod pa aniya na si Suarez ay kinilala sa plenaryo ng  presiding officer isang linggo matapos maluklok si GMA bilang bagong Speaker gayundin si Davao City Rep. Karlo Nograles, chairman ng House committee on appropriations sa pagdinig ng panukalang 2019 P3.757-trillion national budget.

Si GMA ay iwas pusoy sa awayan ng minority leaders na sina Suarez, Marikina Rep. Miro Quimbo at ABS Partylist Rep. Eugene de Vera kung saan gustong mapabilang ang grupo nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at dating House Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo “Rudy” Fariñas.

Para kay Suarez, bibitawan lamang niya ang pagiging minority leader kapag ito ang ipinasiya ng Supreme Court (SC).

“If I feel that I am not in a position anymore to lead the minority, then I will politely vacate my post if the court says so. Maybe we can see some clearing if the Supreme Court releases a decision on this,” ani Suarez.

Pakiusap ni Suarez sa mga kasamahan na unawain na lamang ang sitwasyon at mag-move on.

“Let us get back to work.  The House has nine months to go,” dagdag pa ni Suarez. (Meliza Maluntag)