Grupo sa FDA: Emergency contraceptive pills payagan na

Grupo sa FDA: Emergency contraceptive pills payagan na

March 23, 2022 @ 9:35 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Pinarerekonsidera ng isang organisasyong nagsusulong ng family planning sa Food and Drug Administration (FDA) na bawiin na ang halos 20 toang pagbabawal sa emergency contraceptive (EC) kasabay ng muling pagbangon ng Pinas laban sa COVID-19.

Sinabi ng pinuno ng DKT Philippines Foundation na si Hyam Bolande sa Philippine News Agency noong Martes na ang mga eksperto sa kalusugan ay nangangamba na pagtaas ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis ng mga kabataan, ngayong niluluwagan na ang mga restriksyon sa bansa.

“We are close to getting back to normal. Covid lockdowns caused the rate of teen pregnancies in the country to decline temporarily,” ani Bolande sa isang panayam.

Ang EC pill, na kilala rin bilang morning-after pill, ay isang popular na opsyon upang maiwasan ang pagbubuntis.

Ang pag-aaral ng grupo ay nagpakita na 73 porsiyento ng mga babaeng walang asawang Pilipino ay mas gusto ang EC method.

Nauna nang inaprubahan ang Postinor para sa pag-aangkat at pagbebenta sa Pilipinas hanggang sa ideklara ito ng FDA bilang abortifacient noong 2001, na nagresulta sa pagbawi ng pagpaparehistro nito.

Sinasabi naman ng grupo na ang nasabing pill ay ligtas na makaiiwas sa “unwanted accidental pregnancy within 72 hours after unprotected sexual intercourse”.

Sa loob ng 20 taon mula noon, walang napatunayan sa mga pag-aaral ng anomang mga kaugnayan ng EC pills sa pagpapalaglag.

Ang nai-publish na mga alituntunin ng World Health Organization ay nagsasaad na ang gamot ay hindi maaaring makapagpatigil ng pagbubuntis ngunit maaari lamang maiwasan ang pagbubuntis sa pamamagitan ng paghinto o pagpapaantala sa paglabas ng mga itlog mula sa mga obaryo. RNT