Grupo sa likod ng pananambang kay Gov. Adiong, natukoy ng SITG

Grupo sa likod ng pananambang kay Gov. Adiong, natukoy ng SITG

February 20, 2023 @ 8:45 AM 1 month ago


LANAO DEL NORTE- May sinusundan nang anggulo ang Special Investigation Task Group (SITG) na binuo ng Bangsamoro Police laban sa mga grupong responsable sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Adiong na ikinasawi ng apat kabilang ang tatlong opisyal ng pulis noong Biyernes.

Sa pahayag ni PNP BARMM Regional Director, Police BGen. John Guyguyon, tukoy na nila ang responsable sa nasabing krimen at hindi na muna sa ngayon ilalabas ang mga pagkakakilanlan ng grupo.

Aniya, nakatutok sa ngayon ang SITG ay patuloy pang kinukuhanan ng mga salaysay ang mga nagboluntaryong magbigay ng impormasyon sa pananambang sa grupo ng gobernador.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen sa Barangay Bato-bato, Maguing, Lanao del Sur, nakapulot sila ng higit sa 40 mga basyo ng bala mula sa matataas na kalibre ng armas na may 1 kilometro lamang ang layo mula sa kampo ng Moro Islamic Liberation Front.

Sinabi pa ni Guyguyon, na nakikipagtulungan na rin ang MILF para sa ikalulutas ng kaso at mapanagot ang responsable sa karumal-dumal na krimen.

Tinitingnan rin ng Bangsamoro Police ibang anggulo na kung saan nagkataon na sa parehong araw at lugar ay mayroon anti-illegal drug operation ang pulisya at nasamsam ang 25,000 na fully grown marijuana plants na may street value na P5 milyon at tuluyan itong binunot at sinunog.

“Hindi natin madiscount, kasi magkalapit talaga very adjacent to each other, ‘yon ang isa sa mga tinitingnan nating anggulo at hindi natin pwedeng sabihin na isa lang ang tinututukan natin. There are different angles na tinitingnan natin so that we can come up with our assessment and motive ng mga nag-ambush sa governor and his convoy,” ani Guyguyon.

Sa ngayon ay nasa maayos ng kalagayan ang gobernador at kanyang staff na kasama rin sa nasugatan sa nasabing pananambang. Mary Anne Sapico