GSIS PINAPURIHAN NI ELEAZAR

GSIS PINAPURIHAN NI ELEAZAR

February 14, 2022 @ 9:11 PM 4 months ago


KAMAKAILAN ay pinapurihan ni dating PNP Chief General Guillermo Eleazar ngayon ay running as a senator ang inisyatiba ng Government Service Insurance System na mamahagi ng P100M halaga ng educational subsidy  sa mga piling college student na kaanak ng mga miyembro ng GSIS.

Sa ilalim kasi ng GSIS Educational Subsidy Program, may kabuuang 10,000 college students na kamag-anak ng GSIS members ang tatanggap ng  P10,000 bawat isa na maaaring gamitin sa educational expenses.

“Napakagandang programa ito ng GSIS para matulungan ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral lalo pa at may kinakaharap tayong pandemya. Malaking bagay ito para makabili sila ng mga gadgets na kailangan sa eskwela o kaya naman ay pang-internet ngayong naka-online class pa ang karamihan,” ayon kay Eleazar.

Kaya umaasa rin ang dating PNP chief na kandidato bilang senador sa May 9 elections, na kakayanin ng GSIS na palawakin pa ang programa upang matulungan ang mga karapat-dapat at natatanging estudyante lalo na yaong nasa ibang antas ng edukasyon.

“Magandang ideya rin kung maisasama niyo ang mga mag-aaral galing sa high school at elementary dahil marami sa kanila ay hirap din sa buhay pero nagtya-tyagang mag-aral para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya,” sabi pa ni Eleazar.

Samantala, inihayag din ni Eleazar na kandidato sa ilalim ng Partido Reporma, na sa sandaling manalo, uunahin niya ang mga probisyon sa pagkakaloob ng scholarship grants sa mga mahihirap ngunit matatalinong mag-aaral.

“Kung papalarin naman ako sa Senado, ang target natin ay makapagsulong ng automatic scholarship program para sa mga mahihirap pero deserving na estudyante sa anumang kursong kanilang makukuha pagtuntong ng kolehiyo,” ayon sa dating heneral.

 “Nais din nating magbigay ng P1,000 monthly allowance sa mga qualified college students at P500 monthly allowance naman sa senior high students para masustentuhan ang kanilang pag-aaral. Sa ganitong paraan, wala ng batang hindi makakatapos dahil lang wala silang pantustos sa kanilang pag-eeskwela,” sabi pa ni Eleazar.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Eleazar ang mga benepisyaryo ng GSIS grant na suklian ang pagsisikap ng kanilang mga magulang, guardians at mga kamag-anak sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral at makatapos.

“Gamitin niyo nang tama ang tulong pinansyal na inyong matatanggap mula sa GSIS para makapagtapos ng pag-aaral. Sa ganitong paraan ay masusuklian niyo ang pagsasakripisyo ng inyong mga magulang, guardians o iba pang kamaganak na nagtatrabaho sa gobyerno at miyembro ng GSIS,” paalala ng dating PNP Chief.

Anomang puna o reklamo i-text sa 0918924764,09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]