Guevarra sa BuCor: Malalaking desisyon, ikonsulta muna sa DOJ

Guevarra sa BuCor: Malalaking desisyon, ikonsulta muna sa DOJ

April 19, 2022 @ 10:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinagsabihin ni Justice Secretary Menardo Guevarra nitong Lunes ang mga opisyal ng mga ahensya at tanggapan sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) na konsultahin muna siya bago gumawa ng mga posibleng kontrobersyal na desisyon.

Ito ay matapos makatanggap ng batikos ang ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor), isang ahensya sa ilalim ng DOJ, dahil sa pagpayag nila sa isang panayam sa telebisyon kay convicted retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan.

“I would rather that BuCor consult the DOJ, as its mother agency, on matters of public interest that may give rise to legal questions or involve policy considerations. As you all probably know, the office of the justice secretary is not hard to access,” sinabi ni Guevarra sa mga mamamahayag.

Sinabi ni DOJ Undersecretary Deo Marco, na siyang namamahala sa BuCor, na ang mga opisyal ng bilangguan ay naglabas na ng mga dokumentong kinakailangan ng DOJ para malaman kung nakasunod ba ito sa mga alituntunin sa pagpayag kay Palparan na makapanayam ng SMNI.

“It is still with our technical division for review. They (Bucor) attached the missing documents that I require and now include timelines para mapag-aralan ng DOJ,” ani Marco.

Si Palparan, isang dating kongresista, ay hinatulan ng korte sa Bulacan noong 2018 sa pagkidnap sa mga aktibistang estudyante na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan ng Unibersidad ng Pilipinas. RNT