Manila, Philippines – Sa katwirang mahirap ang trabaho sa kakarampot na sahod, umapela ang ACT Teachers Partylist Group sa Department of Education at sa Department of Budget and Management na itaas ang sweldo ng mga guidance counselors.
Hiniling nina ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro na itakda sa Salary Grade 16 o P31,765 ang sweldo ng mga guidance counselors.
Giit ng dalawang mambabatas isa din itong hakbang para mabawasan ang kakapusan ng mga guidance counselors sa mga paaralan.
Nabatid na nasa 1,400 lamang ang bilang ng mga guidance counselors sa bansa para sa 27M estudyante sa halip na 4,200 na bilang.
Ayon sa dalawang mambabatas sa kasalukuyan ay napakaliit ng entry level na sahod ng isang guidance counselor na nasa Salary Grade 11 o P20,179 lamang kada buwan.
Bukos sa maliit na sahod ay napakataas din ng qualification para sa posisyon na kailangan ay nakapagtapos ng Masters degree.
“Mababang sahod tapos mataas ang kuwalipikasyon at madaming trabaho, ito yung balakid kaya may shortage tayo sa guidance counselors na maaaring masolusyunan kung itataas natin ang kanilang sahod,” pahayag ni Tinio
Dagdag pa nito na mahalagang masigurong may guidance counselors sa bawat paaralan sa harap na rin ng maraming problema ng mga kabataan na maaaring matulungan sa maagang intervention ng mga guidance counselors. (Gail Mendoza)