GUIDE Act isinulong ni Bong Go para sa MSMEs, SICs

GUIDE Act isinulong ni Bong Go para sa MSMEs, SICs

September 3, 2022 @ 1:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Muling inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1182 o ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) Act para palakasin ang kapasidad ng mga institusyong pinansyal ng gobyerno na magkakaloob ng tulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at iba pang strategically important companies (SICs).

Umaasa si Go na malalampasan ng bansa ang pandemya sa lalong madaling panahon at habang patuloy na ginagawa ang lahat ng mga hakbang para protektahan ang buhay ng mga Pilipino, kailangan aniyang bigyan din ng sapat na pansin ang kabuhayan.

“Walang Pilipino ang dapat maiwan sa ating daan patungo sa ganap at inklusibong pagbangon ng ekonomiya,” ayon kay Go.

Binigyang-diin ng senador na ang pagbibigay ng sapat na suporta sa MSMEs at SICs ay mahalaga sa pagtiyak ng malakas na pagbangon ng ekonomiya.

Maraming negosyo, ayon kay Go, ang labis na naapektuhan ng patuloy na krisis sa kalusugan ng mundo at dapat kumilos ang gobyerno upang ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong para ang mga ito upang sila’y makabangon.

“Mas maraming negosyong makababangon, mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng trabaho at kabuhayan. Mas may sapat na pagkain para sa pamilyang Pilipino at mas maraming bata ang makapag-aaral,” anang senador.

Sinabi ni Go na layon ng GUIDE na palakasin ang kapasidad ng Land Bank of the Philippines at ng Development Bank of the Philippines upang makapagbigay ng kinakailangang access sa kredito at tulong pinansyal sa mga nahihirapang negosyo, kabilang ang MSME, SIC at iba pang negosyong apektado.

Sa ilalim ng panukala, ang Land Bank at DBP ay inaatasang lumikha ng isang espesyal na holding company na tutulong sa rehabilitasyon ng mga SIC na naapektuhan ng pandemya.

Upang matiyak na ang mga patakaran at layunin sa ilalim ng iminungkahing panukalang batas ay mabisang maisasakatuparan, ang Land Bank at DBP ay aatasan na imantina ang majority ownership sa special holding company hanggang sa oras na sila ay makabawi sa kanilang puhunan.

Ang special holding company ay papayagang mag-invest, maglagay ng pondo sa equity, mag-execute ng convertible loans, o mag-purchase ng convertible bonds at iba pang securities sa mga SIC.

Upang matiyak na ang mga naturang pamumuhunan ay wastong magagamit at maseguro ang matagumpay na rehabilitasyon ng mga SIC, magtatakda ng mahigpit na mga kondisyon sa investee company tulad ng pag-aatas na ang bilang ng mga empleyado ay hindi babawasan, lilimitahan ang kakayahan nitong magdeklara ng mga dibidendo, paghihigpit sa pagtaas ng suweldo at iba pang benepisyo ng lupon at ng senior executive officers nito.

Titiyakin din na ang mga pamumuhunan ng Land Bank at DBP ay hindi nakatali sa oras na may isang tiyak na mekanismo ng paglabas.

Makatutulong din ang panukalang batas na mapababa ang kabuuang cost borrowing para sa mga MSME. Ang government financial institutions ay aatasang palawakin ang kanilang programa sa kredito upang matulungan ang mga apektadong MSME sa pagtugon sa kanilang liquidity needs.

Sa partikular, dapat palawakin ng Land Bank at DBP ang kanilang mga programa sa pautang gayundin ang pagbibigay diskuwento sa mga pautang at iba pang credit accomodations sa MSME sa industriya ng agrikultura, imprastraktura, serbisyo at pagmamanupaktura.

“Ang suporta sa MSME ay isang kritikal na interbensyon sa pag-save ng trabaho dahil ang mga negosyong ito ay kumukuha ng humigit-kumulang 9 milyong tao o 63% ng mga manggagawa,” ipinunto ni Go.

Sinabi ni Go na ang panukala niyang GUIDE ay kabilang sa mga priority measures na binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).

Matatandaan na sa kasagsagan ng pandemya, naging instrumento si Go sa pagpapatupad ng Small Business Wage Subsidy program.

Nagbigay ito sa mga manggagawa na hindi nakapagtrabaho o nabayaran sa panahon ng enhanced community quarantine ng dalawang tranches ng financial assistance.

Naghain din ang senador sa ika-19 na Kongreso ng panukalang nag-institusyonal sa programang “One Town, One Product” (OTOP) ng Department of Trade and Industry upang mapalakas ang pagbangon at maisulong ang inobasyon sa MSMEs. RNT