GUIDE bill suporta sa MSMEs aprub na sa Kamara

GUIDE bill suporta sa MSMEs aprub na sa Kamara

December 16, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magpapalawig ng kakayahan ng mga state-run banks na magpautang at tumulong sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na labis napuruhan ng pandemya.

Ito ay sa ilalim ng House Bill No. 1 o ang o ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) bill na nakakuha ng 282 affirmative votes sa sesyon nitong Huwebes, Disyembre 15.

Sa ilalim ng panukala, binibigyang mandato ang Development Bank of the Philippines (DBP) at LandBank of the Philippines (LBP) na palawigin ang kanilang loan assistance programs sa MSMEs na nasa infrastructure, service industry, o manufacturing business kabilang ang pagpapautang sa mga local government units.

Layon din ng GUIDE bill, na isa sa mga priority legislations ng kasalukuyang administrasyon, na magbigay ng P100 bilyon na capital stock sa DBP upang hatiin sa isang bilyon na common shares na nagkakahalaga ng P100 kada share.

Dagdag pa, popondohan naman ng P10 bilyon mula sa National Treasury ang mga sumusunod:

– P2.5 bilyon bilang additional paid-up capital ng DBP para mapautang ang mga kwalipikadong MSMEs.

P7.5 bilyon naman bilang additional paid-up capital sa LandBank para rin sa kaparehong hakbang.

Bago naaprubahan, tinanggap ni Tingog party-list representative Jude Acidre, isa sa mga may-akda ng panukala, ang lahat ng pag-amyendang itinaas ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ng Gabriela party-list. RNT/JGC