Viral sa social media ang ginawang panenermon ni C/Supt. Guillermo Eleazar sa tatlong Manila cop na nahuling nangongotong.
Ilang minuto lang matapos mapanood sa telebisyon at ma-upload sa Facebook ay kaagad umabot sa 1.2 million views ang naturang video.
Sa video ay makikitang pinagagalitan ni Gen. Eleazar ang tatlong kotong cop na nangotong ng P50,000 sa inarestong drug suspects.
Sa ilang pagkakataon, natunghayan ko itong pinapagalitan ang mga subordinate na gumagawa ng katarantaduhan.
Pero pagkatapos ang galit ay pangaral ang maririnig sa bibig, bagay na ‘di nakita sa pagharap niya sa tatlong Manila kotong cops.
Pero saganang akin, understandable ang kakaibang natunghayan sa pagitan nina Gen. Eleazar at tatlong gagong pulis Maynila.
Matinding emosyon ang marahil umiral.
Sa sobrang galit sa tatlong kolokoy, ang mukha ng heneral ay halos ‘di na maipinta.
Dahil din sa galit ay nagawang kutosan ang tatlong pulis at alisan ang mga ito ng takip sa mukha subali’t inamin niyang ‘di ito sinasadya, nadala lamang ng emosyon.
Sa naturang video ay paulit-ulit na naririnig din sa heneral ang mga katagang “doble na suweldo n’yo, nangongotong pa kayo.”
Nguni’t ang nakabibilib, umiral pa rin ang pagiging humble ni Gen. Eleazar dahil humingi ito ng paumanhin sa madlang people.
Pero kung ang ilang human rights people ay ‘di natutuwa, milyong netizen naman ay tila pumapabor sa natungyahang video.
Magaling na pinuno kaya ‘di nakapagtatakang napakataas ang kredibilidad ni Gen. Eleazar sa lahat ng area o rehiyon na kanya nang pinaglilingkuran.
Halimbawa’y sa QCPD – kaya naging number 1 sa trust rating ang lungsod na ito sa buong NCRPO ay dahil sa pamumuno ni Eleazar.
Mula QCPD ay itinalaga ito sa Region 4A kung saan sa isang buwan na pamamahala ay nag-iwan agad ito ng magandang achievement.
Dahil sa maiksing pamamahala ay bumaba ang krimen ng 10% at tumaas ang rate ng pagdakip sa most wanted persons ng rehiyon ng mahigit 10% din.
Sa mga talumpati ay paulit ulit na binabalaan ang mga tiwali at abusadong pulis na umalis na sa hanay ng PNP o ‘di kaya’y magpakatino na.
Ang mga tigasing Metro Manila cop, masusubukan sa malabakal na ‘management style’ ni Gen. Guilor Eleazar.
Tiyak ‘yan.
– CHOKEPOINT NI PADUA