Guimaras nakapagtala ng unang kaso ng ASF

Guimaras nakapagtala ng unang kaso ng ASF

December 17, 2022 @ 9:42 AM 2 months ago


ILOILO CITY- Nakapagtala ng kauna-unahang kaso ng African Swine Fever (ASF) ang lalawigan ng Guimaras iniulat kahapon ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Jose Albert Barrogo, DA-Western Visayas Regional Technical Director for Operations, ang mga specimen ay natanggap ng ahensya noong Disyembre 15 mula sa Barangay Sawang sa munisipalidad ng Buenavista.

Lumabas sa pagsusuri na nagpositibo na ito sa virus kaya agad naman bumuo ng DA Regional ASF Task Force at nagkaroon ng pagpupulong sa mga posibleng hakbang at interbensyon upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Agad na nagpalabas ng Executive Order No. 188 Series of 2022, ang pamahalaan panlalawigan na nag-uutos ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok at paglabas ng mga baboy, baboy, mga produktong baboy, at mga by-product papunta at mula sa munisipalidad ng Buenavista.

Sinabi pa ni Barrogo, personal na rin nakipag-ugnayan ang DA-WV at koordinasyon sa lokal na yunit ng pamahalaan na may kinalaman sa pagpapatupad ng mga protocol ng ASF sa loob ng 500-meter radius at isang kilometrong radius at magbibigay ng kinakailangang teknikal at logistical na suporta para sa pagpigil sa mga nahawaang lugar.

Kaugnay nito, pinaigting na rin ng task force ang ginagawa nilang surveillance at monitoring activities sa mga karatig barangay at iba pang backyard farms sa mga munisipalidad.

Umapela na rin ang DA-WV sa publiko na huwag mag-panic at sundin ang mga protocol ng ASF na ipinapatupad sa lahat ng mga port of entry, at checkpoints ng mga hayop at paigtingin din ang kani-kanilang biosecurity measures.

 “Ang ASF ay hindi nakakahawa sa tao. Bumili tayo ng baboy na sumailalim sa NMIS meat inspection at mula sa maaasahan at akreditadong mga tindahan ng karne ng NMIS,” pagtatapos pa ni Barrogo. Mary Anne Sapico