Guimaras pinasok na ng ASF

Guimaras pinasok na ng ASF

December 18, 2022 @ 10:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala na ang isla-lalawigan ng Guimaras ng unang kaso ng African Swine Fever, ayon sa kumpirmasyon niDepartment of Agriculture (DA)-6 Director Jose Albert Barrogo.

Dagdag pa niya na naitala ang unang ASF case sa bayan ng Buenavista.

Ang mga specimen mula sa isang hog farm sa Barangay Sawang ay sumailalim sa pagsusuri sa DA-6 Regional Animal Diseases Diagnostic Laboratory at naging positibo ang resulta noong Biyernes, Disyembre 16.

Agad na nagpatawag ang DA-6 ng coordination meeting kasama ang guimaras provincial government sa ilalim ni Gov. JC Rahman Nava para pag-usapan ang mga posibleng interbensyon.

Ang Guimaras Provincial Agriculture Office at ang Guimaras Provincial Veterinary Office ay nakikipagtulungan sa kanilang mga katapat sa local government units (LGUs) ng mga bayan ng Buenavista, Jordan, Nueva Valencia, San Lorenzo, at Sibunag.

Ang Guimaras ang pangalawang probinsya sa Western Visayas region na may mga kaso ng ASF. Ang una ay ang Iloilo kung saan walong bayan ang may kaso ng ASF. Ang kabisera ng rehiyon, ang Iloilo City, ay mayroon ding mga kaso ng ASF. RNT