Gulo sa France sa pinataas na pension age tuloy-tuloy

Gulo sa France sa pinataas na pension age tuloy-tuloy

March 19, 2023 @ 7:45 AM 2 weeks ago


PARIS – Pangalawang araw na ngayong nagkakagulo sa bansang France makaraang itaas ng pamahalaan ang edad ng pagpepensyon para humaba ang pension fund sa nasabing bansa.

Mismong si President Emmanuel Macron ang nagdeklara ng gawin nang 64 sa halip na 62 ang simula ng pagpepensyon upang humaba ang buhay ng pension fund nila na katumbas ng Social Security System at Government Service Insurance System ng Pilipinas.

Katuwang sa deklarasyon ni Macron si Prime Minister Élisabeth Borne gamit ang probisyon ng Konstitusyon ng France na 49:3 na nagbibigay-kapangyarihan sa Pangulo at Prime Minister ng bansa na maglabas ng batas nang hindi daraan sa Parliamento ng nasabing bansa.

Unang umangal ang mga obrero na kasapi ng mga malalaking union at sila ngayon ang nakikipaglaban sa mga lansangan sa mga pulis na inatasan ng pamahalalaan na humarap sa mga raliyista.

Mahigit nang 120 ang inaresto subalit hindi natinag ang mga raliyista sa pagpapakita ng pamahalaan ng kamay na bakal laban sa kanila.

Sa loob ng Parliamento, panay rin ang bangayan ng mga partido-pulitika na pabor at anti-Macron kaugnay ng bagong batas.

Dapat sa mga araw na ito magdedesiyon ang Parliamento kung papayagan ang panukala sa edad sa pension subalit inunahan na ang mga mambabatas nina Macron at Borne sa tantiyang hindi papasa bilang batas ang panukala.

Sinasabing mas maliit ang bilang ng mga mambabatas na kumakampi kina Macron at malamang umanong mahaharang lang ang panukala. RNT/FC