GULONG NG HUSTISYA

GULONG NG HUSTISYA

January 23, 2023 @ 1:40 PM 2 weeks ago


TATLONG buwan lang ang itinagal ng kaso ni Juanito Jose Remulla III, anak ni Department of Justice  Secretary Jesus Crispin “Boying”  Remulla.   

Record-breaking nga raw sa bilis ng pag-baba ng hatol mula sa korte sa Las Pinas.  

Nasabi na lang ni Sec. Remulla na sana ay tuloy-tuloy na ang katubusan ng kanyang anak mula sa kanyang pagkalugmok sa droga.  

Samantala, nakalaya rin kamakailan pagkatapos ng halos siyam na taon si Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating   chief-of-staff ni  dating Sen. Juan Ponce Enrile. 

 Sangkot si Enrile at Reyes  sa pork barrel scam kaya nakasuhan ng katiwalian.  Pinagkaloob ng Korte Suprema ang writ of habeas corpus na hiling ni Reyes at nito ngang Jan. 19, 2023, lumabas sya sa piitan.  Si Enrile ngayon ay Presidential Legal Counsel ni Pres. Bong Bong Marcos, Jr..

Hindi tuloy mapigilan ang reaksyon ng maraming ordinaryong mamamayan na ang dalawang kasong ito ay malinaw na naglalarawan na mukhang hindi nga patas ang  hustisya sa Pilipinas. Iba ang hustisya para sa mayaman at mga makapangyarihan, at syempre,  iba naman sa mga mahihirap.

Nito lang mga nakaraang araw, laman naman ng mga balita na humingi na ng paumanhin si Sandra Cam kay dating Sen. Leila De Lima.   

Kakalaya lang din ni Cam, pagkatapos siyang ma-acquit sa kasong murder.   Inamin ni Cam na siya ay ginamit lang para maglabas ng mga pekeng ebidensya para madiin sa mga gawa-gawang kaso laban kay De Lima. At dahil nga sa mga pangyayaring ito, lumakas uli ang ugong na dapat ng palayain si de Lima. 

Sana nga ay manaig na ang katotohanan at matapos na ang anim na taong bangungot ni de Lima. 

Sa kabilang banda, napawalang-sala si Maria Ressa sa mga kaso ng tax evasion laban sa kanya at sa kanyang media company na Rappler. Pigil ang luha na pinahayag ni Ressa na ang panalong ito ay panalo para sa katotohahan at katarungan, at sanay maging inspirasyon sa lahat ng sinisiil ng kasinungalingan.

Kailangan mas patunayan at pag-ibayuhin ng mga korte at ng administrasyon ni PBBM na para nga sa mahihirap at mga mahina ang katarungan.  Dapat lang na may kasaganahan at gumugulong nga ang husto.