Gun ban sa SONA ni PBBM kasado na

Gun ban sa SONA ni PBBM kasado na

July 15, 2022 @ 9:03 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang anim na araw na gun ban sa Metro Manila bilang bahagi ng security measures para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sinabi ni PNP officer-in-charge Police Lt. Gen. Vicente Danao, Jr. na inaprubahan niya ang rekomendasyon na ipatupad ang suspensiyon ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) mula Hulyo 22 hanggang 27.

“Tulad ng ginawa natin sa inagurasyon kung saan nagpatupad tayo ng gun ban tatlong araw bago at dalawang araw pagkatapos ng aktwal na petsa kaya gagawin natin ito,” ani Danao.

Matatandaang anim na araw ding sinuspinde ng PNP ang PTCFOR sa National Capital Region (NCR) sa inagurasyon ni Marcos. Hindi bababa sa siyam na lumabag ang inaresto.

Hindi naman bababa sa 15,000 pulis, sundalo at force multipliers mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang kukunin para masiguro ang SONA.

Bahagi ng paghahanda sa seguridad ay ang pag-rerouting ng trapiko at pagtatalaga ng mga parke ng kalayaan para sa mga nagpoprotesta. RNT