Gunman nanlaban; tepok sa QCPD!

Gunman nanlaban; tepok sa QCPD!

August 16, 2022 @ 6:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang gunman na tinangkang patayin ang isang ginang matapos na manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) kaninang madaling araw sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN NicolasTorre III ang suspek na alyas ‘Jojo Muslim” habang kinilala naman ang biktima na si Maricar Umayam Escalera, 32 anyos, housewife, residente ng No. 129 Purok 2, Bayanihan St., Brgy. Culiat, Q.C.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-3:40 ng madaling araw (Aug. 16) nang maganap ang engkwentro sa Area 3, 7th St., Brgy. Pasong Tamo, sa lungsod.

Sa imbestigasyon nina PCpl Prince Joy Rivera at PCpl Juderick Latao, naglalakad umano si Escalera pauwi sa kanilang tahanan nang biglang sumulpot ang suspek at nagpaputok ng baril sa direksiyon ng biktima.

Masuwerte namang hindi tinamaan ng bala ang biktima na kumaripas ng takbo saka nagsumbong sa QCPD Holy Spirit Police Station 14.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at natunton ang ang suspek sa nasabing lugar.

Pero habang papalapit umano ang mga operatiba ng PS 14 sa pinagtataguan ni Jojo Muslim ay bigla itong nagpaputok ng baril dahilan upang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa agarang kamatayan ng suspek.

Nasamsam sa crime scene ng mga nagrespondeng pulis sa pamumuno ni PMaj. Jung Fortunato ang dalawang hindi batid na kalibre ng baril.

Patuloy ang pagsasagawa ng pagsisiyasat ng mga kapulisan sa naganap na krimen. Jan Sinocruz