Gunman ni tserwoman, dakip na

Gunman ni tserwoman, dakip na

July 4, 2018 @ 3:17 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Natimbog na ng mga otoridad ang gunman ng isang Punong Barangay na binaril sa kanyang bahay sa Binondo, Maynila, iniulat ngayon.

Positibong itinuro ng sugatang si Chairwoman Adora C. Usero, 47, residente ng 667 Camba st., Binondo ng Barangay 270, Zone 25, District III.

Sa ulat ni Chief Inspector Joselito De Ocampo, hepe ng Manila Police District-District Special Operations Unit (MPD-DSOU), ang suspek na kinilalang si Bong Bucquel, parking attendant at kolektor din ng pera mula sa iba pang parking attendant ng Sto. Cristo St., Binondo area at residente ng Baseco, Tondo.

Si Usero ay binaril noong Hunyo 30 at sa direktiba ni MPD director, Chief Supt. Rolando Anduyan sa DSOU team, agad nagsagawa ng case-build up at follow-up operations .

Kinunan naman ng pahayag ang biktima noong Hulyo 1 habang sa Metropolitan Medical Center at ipinakita sa kaniya ang larawan na kuha sa closed circuit television (CCTV) para kumpirmahin ang hitsura ng suspek.

Agad nagsagawa ng stake out operations sa erya kung saan matatagpuan ang suspek subalit hindi nila ito nakita sa lugar.

Hulyo 3, 2018 , sa matiyagang pagbabantay nang matiyempuhan na ng DSOU team alas-7:30 ng umaga ang suspek  nang lumutang na sa lugar at inaresto siya habang nangongolekta ng pera mula sa mga parking attendant sa Sto. Cristo St., sa Binondo, tapat ng isang barangay hall ng Barangay 269, Zone 6.

Ang suspek ay agad iniharap kay Usero na positibong kinilala at siyang bumaril sa kanya kaya kinunan na ng supplemental affidavit ang biktima para sa kahaharaping frustated murder.

Sa naging salaysay ng biktima, ang suspek na si Bucquel ay pinagsabihan niya na huwag nang makialam sa parking sa lugar dahil hindi naman siya awtorisadong mangolekta sa mga parking attendant subalit nagpupumilit pa umano ito kaya pinayuhan na magpaalam sa hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na si Director Dennis Alcoreza.

Nagalit umano si Alcoreza at hindi siya pinahintulutan dahilan upang resbakan si Chairman Usero.

Matatandaang noong Hunyo 30 alas-8:30 ng gabi nang barilin si Usero sa loob ng kaniyang bahay. Nang oras na iyon ay  kadarating pa lamang ni Usero sa bahay mula sa oathtaking ceremony sa Philippine International Convention  Center (PICC) matapos muling maihalal bilang Punong Barangay. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)