Gunrunner, todas sa mga pulis

Gunrunner, todas sa mga pulis

July 6, 2018 @ 4:07 PM 5 years ago


 

Las Piñas City – Isang kilabot na gunrunner ang nasawi matapos na ito ay makipagbarilan sa mga tauhan ng Las Piñas City Police sa ikinasang buy-bust operation habang nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito kahapon ng madaling araw sa naturang lungsod.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Ely” sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.

Sa isinumiteng report ni Senior Supt. Marion Balonglong, hepe ng Las Pinas City Police dakong alas-1:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Plaza.

Ayon kay Balonglong, bago ang naturang palitan ng putok sa pagitan ng pulis at suspek nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na pagbebenta nito ng armas.

Kaagad naman na bumuo ng team si Balonglong upang magsagawa ng buy-bust operation laban sa nasawing suspek.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng baril sa suspect at ng matunugan nito na ang kanyang katransaksyon ay isang pulis ay agad na pinaputkan nito.

Masuwerte naman hindi tinamaan ang nasabing pulis at dito na nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng suspek at ng mga awtoridad.

Makalipas ang dalawang minutong palitan ng putok duguan at wala nang buhay na bumulagta sa kalsada ang suspek.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD), narekober sa pinangyarihan ng insidente ng isang kalibre 45 baril,  isang 38 baril limang ibat ibang uri ng bala, dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga.

Napag-alaman ng mga pulis na ang napatay na suspek ay sangkot sa kasong gunrunning, akyat bahay, at pagtutulak ng iligal na droga sa lugar.

Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at inaalam din ang pagkakilanlan ng salarin at kasamahan nito na nakatakas.

Inaalam pa rin ng pulisya kung saan kumukuha ng baril ang suspek na kanyang ibinebenta. (James I. Catapusan)