Guro kinatay ng magnanakaw

Guro kinatay ng magnanakaw

March 13, 2023 @ 5:42 PM 2 weeks ago


Bulacan – Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang 46-anyos na binatang public school teacher sa sala ng kanyang bahay sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang kalunos-lunos na biktimang si Milfredo Dayrit, Sapang Palay National High school teacher at residente ng Purok 11 upper, Brgy. San Pedro.

Sa report ng SJDM police, nadiskubre ang bangkay bandang alas-7 ng umaga nitong Marso 10, sa kanyang bahay.

Ayon sa report, isang saksing itinago sa pangalang Vilma ang naka-amoy ng nakakasulasok na amoy mula sa bahay ng guro.

Sinilip ng saksi ang bahay hanggang sa makita ang bangkay ng guro na nangangamoy na sa kanyang sala.

Agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang barangay na tumawag naman ng mga awtoridad para maimbestigahan ang nangyari.

Napaulat na naliligo sa sariling dugo ang biktima at ang inisyal na nakikitang motibo ay ang panloloob at pagnanakaw, ayon na rin sa Facebook post ng malapit na dating estudyante nito.

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo at ang nasa likod ng krimen.

Kaugnay nito, patuloy naman ang pagbuhos ng pakikipagdalamhati ng mga netizen, kabilang ang maraming estudyante, kasama at mga nagmamahal kasabay ang paghingi ng hustisya. Dick Mirasol III