Guro todas sa riding-in-tandem

Guro todas sa riding-in-tandem

July 8, 2022 @ 7:00 AM 1 month ago


ALICIA, ISABELA-Patay ang isang guro matapos na barilin sa kanyang harapan ng kanilang bahay sa Isabela La Fortuna Village sa Brgy. Paddad, Alicia dito sa nasabing probinsya.

Hustisya ang hiling habang nagdadalamhati ang pamilya ng biktimang si Samuel ‘BJ’ Santiago, 37-anyos at residente sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Ginang Karen Santiago, misis ng guro, lumabas ang kanyang asawa nang may tumawag sa labas sa harapan ng kanilang bahay.

Paglabas ng bahay ay binaril ang kanyang asawa ng isa sa dalawang suspek na bumaba mula sa sinakyan nilang motorsiklo.

Pagkatapos ng pamamaril ay agad na umalis ang riding-in-tandem suspect sa di malaman direksyon.

Nakatakbo pa ang biktima sa loob ng kanilang tahanan para magpasaklolo sa kanyang misis na agad siyang itinakbo sa pagamutan subalit dead on arrival.

Isang bala ng Caliber 45 ang tumama sa balikat ng guro na tumagos sa kanyang baga at puso na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang kapulisan kung sino ang nasa likod ng nasabing pamamaril sa isang guro. Rey Velasco