GUSI PEACE PRIZE LAUREATES BUMISITA SA INDANG

GUSI PEACE PRIZE LAUREATES BUMISITA SA INDANG

February 4, 2023 @ 2:12 AM 2 months ago


Kung mayroong Nobel Peace Prize ang Europa ay mayroon ding kahalintulad namang ganito ang Asya, ito ang Gusi Peace Prize.

Sa taong ito, ang mga naparangalan o ‘laureates’ ay sina Hon. Nicole Pluss ng Australis, Dr. Gustavo Oliveira ng Brazil, Dr. Dipo Moni ng Bangladesh, Dr. Andrew Wong ng China, Hon. Cecile De Caunes ng France, Hon. Sunil Mehra ng India, Hon. Lorenzo David Overi ng Italy, Dr. Shiojiri Kazuko ng Japan, Hon. Arturas Zuokas ng Lithuania, Dr. Haji Zulkifly Baharon ng Malaysia, Hon. Saw Ngwe Lin ng Myanmar, Hon. Per-Arlid Konradsen ng Norway, Hon. Chen Chien -Jen ng Taiwan, Gen. Mohammed Alijuhani ng Saudi Arabia, Dr. Luis Gallardo ng Spain at Hon. Michael Cinco ng Philippines.

Naganap ang Gusi Peace Prize International 2022 Awards Night noong Nobyembre 24, 2022 sa makasaysayang Club Filipino sa San Juan, Metro Manila sa pamumuno ni Ambassador Barry Gusi at ng kanyang pamilya.

Ang Gusi Peace Prize ay kilalang parangal ng bansang Pilipinas na ibinibigay ng Gusi Peace Prize Foundation na nakabase sa Maynila at ipinagkakaloob upang kilalanin ang mga indibidwal at lider-organisasyon na nag-aambag ng pandaigdigang kapayapaan at pag-unlad sa iba’t-ibang larangan.

Ang kilalang lingkod-bayan, negosyante at pilantropo sa bayan ng Indang na si Hon. Virgilio “Kap Vergel” Fidel at maybahay nitong si Madam Nedilyn Fidel ay muling gumanap bilang mga presentor ng award na ipinagkakaloob ng Gusi Peace Prize Foundation.

Kinabukasan, Nobyembre 25, 2022 ay bumisita sa makasaysayang bayan ng Indang sa magandang lugar na Kap Vergel Events Place & Camping Site ang laureates kasama sina Gusi Peace Prize Foundation – Ambassador Barry Gusi at Gusi Peace Prize Foundation – Chairman on Youth Affairs na si Mr. Mikko Gusi.

Doon, mainit silang sinalubong ng mag-asawang may-ari ng magandang lugar na sina Kap. Vergel Fidel at Madam Nedi Fidel kasama sina Board Member Ping Remulla, Mayor Pecto Fidel, mga Konsehal ng Bayan, mga miyembro ng Philippine National Police at mga Kapitan ng Barangay sa Indang.

Isang masarap na piging ng pananghalian ang inihanda ng mag-asawang Fide para laureates at iba pang mga bisita.

Kasabay ng masarap na pananghalian para sa laureates at mga bisita, pistang Pinoy naman ang tema ng mga kultural na pagtatanghal sa saliw ng folk songs at folk dances gaya ng tinikling, pandanggo sa ilaw, itik-itik, cariñosa at iba pa ng cultural dances mula sa Cavite State University sa Indang, Cavite.

Samantala, ang ilang mga guro mula sa Tourism at HRM Department ng CvSU ay nagsilbi namang mga usher at usherette na tumanggap at nagsilbi sa laureates at mga bisita.

Masayang-masaya ang laureates at mga bisita sa piging at pagtatanghal na sa kanila ay inihanda ng mag-asawang Fidel.

Lubos naman ang pasasalamat nina Hon. Vergel at Madam Nedi sa lahat ng tumulong para sa maayos, masaya at matagumpay na piging at programa sa kanilang lugar para sa laureates at mga bisita.

Bagaman may ilang buwang nangyari na ang pagdalaw sa Indang, Cavite ng mga sikat ng Guzi Peace Prize Foundation, nakatanim pa rin ito sa utak ng mga residente na muli at muli ay nais na maulit ang pagdalaw sa kanilang maliit subalit maayos, tahimik at pabulosong bayan.