Gwantes kinain ng makina; kamay ng obrero lasog

Gwantes kinain ng makina; kamay ng obrero lasog

September 5, 2022 @ 12:51 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nabalian ng buto sa kanang kamay ang isang factory support matapos aksidenteng kainin ng makina ang suot niyang guwantes sa loob ng kanyang pinagtatrabahuang pabrika sa Navotas City, kahapon.

Kasalukuyang ginagamot sa Orthopedic Medical Center (OMC) sa Banawe, Quezon City ang biktima na kinilala bilang si Marlon Policarpio, 28 ng Villa San Paolo Subd. Sta. Maria, Bulacan.

Sa pahayag ng biktima kay police investigator PCpl Florencio Nalus, habang ginagawa niya ang kanyang trabaho sa Columbia Candy Factory Corp. na matatagpuan sa 128 Escoda St., Brgy. San Rafael Village, Navotas City nang aksidente umanong maipit ang suot niyang guantes gloves sa makina na kanyang pinapatakbo.

Kinain ng makina ang kanyang kanang kamay kaya nabali ang buto nito at agad siyang humingi ng tulong sa kanyang mga katrabaho na mabilis nagsugod sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan at kalaunan ay inilipat siya sa OMC hospital. Boysan Buenaventura