Habagat, magpapa-ulan hanggang weekend – PAGASA

Habagat, magpapa-ulan hanggang weekend – PAGASA

August 10, 2018 @ 7:12 AM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Magpapatuloy ang maulan na panahon ngayong Biyernes hanggang weekend sa Metro Manila pati na sa iba pang bahagi ng Luzon dahil sa southwest monsoon o habagat, ayon sa PAGASA.

Ayon sa advisory ng PAGASA, alas-5 ng umaga, patuloy na palalakasin ng bagyong Karding at ng namataang low-pressure area (LPA) sa West Philippine Sea ang habagat, ayon kay senior weather specialist Chris Perez.

Huling namataan ang bagyong Karding sa 1,150 kilometers silangan ng Basco, Batanes na may dalang hangin na 75 kilometers per hour (kph), at bugso na 90 kph.

Gumagalaw ito patungong hilagangkanluran sa bilis na 20 kph at inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Sabado ng umaga.

Magdadala ng pag-ulan ang habagat sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region

Samantala, maulap na kalangitan na may manaka-nakang pag-ulan naman ang mararanasan sa Cagayan Valley at Western Visayas.

Sa Mindanao at iba pang bahagi ng Visayas naman ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat kalat na pag-ulan. Remate News Team